in

Mahigit 1,600 estudyante, natuto sa Pinoy Media Congress Digital Caravan ng ABS-CBN at PACE

Sa online, palaki nang palaki ang komunidad ng ABS-CBN sa Facebook at YouTube dahil mayroon na itong higit sa 33 milyong followers at 38.6 milyong subscribers sa mga naturang online platform.

Mahigit 1,600 mag-aaral mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ang nabigyan ng inspirasyon at bagong kaalaman tungkol sa industriya ng midya sa Pinoy Media Congress (PMC) Digital Caravan ng ABS-CBN at the Philippine Association of Communication Educators (PACE) nitong Marso.

Tampok sa kauna-unahang virtual na pagsasagawa ng taunang media conference ang ABS-CBN journalists na sina Jacque Manabat at Raya Capulong, si ABS-CBN International Production and Co-Production division supervising producer EJ Mallari, si ABS-CBN head of International Sales and Distribution Pia Laurel, at ang pangulo ng PACE na si Mark Lester Chico. Galing sa halos 100 na paaralan sa bansa ang mga estudyanteng nag-rehistro sa event.

Sa kanyang session, ipinakita ni Jacque sa mga dumalong college at senior high school students kung paano niya ginagamit ang Facebook at TikTok sa pangangalap ng balita at paglaban sa pagkalat ng fake news. Ipinaalala niya sa kanila na maging totoo at responsable sa paggamit ng social media at panatilihing simple ang kanilang mensahe.

Ikinuwento naman ni Pia kung bakit patok ang mga palabas na gawa ng ABS-CBN maski sa mga banyagang manonood. Sa katunayan, may mahigit 60,000 oras na ng content ang naibenta nila at napapanood sa mahigit 50 teritoryo sa mundo. Aniya, iba-iba man ang kultura, lahat ng manonood ay humahanap ng istoryang nagpapakita ng matibay na pagmamahalan, family at moral values, at isang karakter na maaaring hangaan at tularan.

Samantala, praktikal na tips at inspirasyon ang inialay nina EJ, Raya, at Mark na mga dati ring delegado ng PMC, na sinimulan ng ABS-CBN at PACE noon pang 2005. Bago mag-pandemya, mahigit 12,000 estudyante na ang nakalahok at natuto sa PMC na isinagawa sa iba’t ibang campus sa Metro Manila at maging sa Cebu, Baguio, at Cavite noong PMC Caravan noong 2019.

Payo ni EJ, maging mabuting follower upang maging magaling na lider na mayroon palaging layunin, tulad ng mga bidang napapanood nila sa teleserye.

Binalikan naman ni Raya ang kanyang karanasan bago maging bahagi ng ABS-CBN News at maging Radyo Patrol 50 ng TeleRadyo para patunayan na kayang abutin ang pangarap sa kabila ng mga pagsubok kung talagang gusto natin ito. Ipinakita naman ni Mark kung paano siya dinala ng kanyang pangarap maging artista, writer, at direktor sa pagiging isang guro at lider ngayon ng isang organisasyon ng mga communication educators.

Isinagawa ang PMC Digital Caravan sa tulong ng host schools na Biliran Province State University, UP Mindanao, at De La Salle University – Dasmariñas. Bukod sa mga talk, naaliw din ang mga dumalo sa tatlong legs ng virtual event sa performances ng BINI at BGYO, mga palaro at premyo mula sa KTX.PH at patikim sa mga palabas ng ABS-CBN na napapanood na ngayon sa iba’t ibang tradisyunal at bagong media plaftforms.

Sa online, palaki nang palaki ang komunidad ng ABS-CBN sa Facebook at YouTube dahil mayroon na itong higit sa 33 milyong followers at 38.6 milyong subscribers sa mga naturang online platform. Sa ABS-CBN din ang Facebook page sa Pilipinas na may pinakamaraming followers, habang ang ABS-CBN Entertainment naman ang nangunang YouTube channel sa buong Southeast Asia noong Marso 2021, ayon sa global video measurement at analytics platform na Tubular Labs.

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Anji Salvacion, na-speechless sa pagka-sold out ng SVIP at VIP Tickets ng unang concert

ABS-CBN stars at shows, patuloy na kinikilala ng award-giving bodies