Nagpatikim sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ng kanilang inaabangang serye na “2 Good 2 Be True” pagkatapos nilang maglabas ng behind-the-scenes na mga litrato at ibahagi ang ilang mga detalye tungkol sa kanilang mga karakter.
Ayon kay Daniel, gagampanan niya rito si Eloi, isang masipag na mekaniko at law student. Dahil sa isang mahalagang misyon, makikilala ni Eloi ang isang madiskarteng nurse na si Ali, na ginagampanan naman ni Kathryn.
Ibinahagi ito ng KathNiel sa “Kapamilya Family Date Nights” benefit series, ang pagpapatuloy ng 100 araw na fundraising na “Tulong-Tulong sa Pag-ahon: Isang Daan Sa Pagtutulungan” ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation. Bukod sa KathNiel, inaabangan din ang MMK host na si Charo Santos at iba pang Kapamilya stars mula sa iba’t ibang programang napapanood ngayon at paparating sa primetime upang magbigay ng good vibes habang tumutulong sa mga biktima ng bagyong Odette.
Mula Pebrero 28 hanggang Marso 9, makakasama ng fans sa iba-ibang gabi ang stars ng “Viral Scandal,” “2 Good 2 Be True,” “Darna,” at “MMK” sa FYE Channel sa Kumu, ABS-CBN Entertainment YouTube channel, ABS-CBN Facebook page, iWantTFC, at SKYcable ch. 955 and SD ch. 155.
Para sa unang araw ng “2 Good Familya Fun Ka2waan” ng “Kapamilya Family Date Nights,” nakisaya ang mga lalaki ng “2 Good 2 Be True” na sina Daniel, Ronaldo Valdez, Matt Evans, Yves Flores, Smokey Manaloto, Hyubs Azarcon, Romnick Sarmenta, at Cris Villanueva. Sumabak sila sa iba’t ibang laro tulad ng “Who’s Most Likely To?” at “Never Have I Ever,” at ni-reveal din nila ang kani-kanilang hidden talents.
Samantala, para sa unang tatlong gabi ng “Kapamilya Family Date Nights,” sumabak sa masayang karaoke challenge na “Viral Family Karaoke Nights” ang cast ng “Viral Scandal” na sina Dimples Romana, Charlie Dizon, Karina Bautista, Aljon Mendoza, Miko Raval, Louise Abuel, Joshua Garcia, Aya Fernandez, Vance Larena, Jameson Blake, Jake Cuenca, Maxene Magalona, Kaila Estrada, Jong Cuenco, at Markus Paterson.
Isa-isa nilang ipinamalas ang kanilang galing sa biritan ng mga classic OPM songs kung saan itinanghal sina Dimples, Joshua, at Kaila bilang ultimate karaoke champion.
Bukod sa nalikom nilang donasyon mula sa mga nanood ng “Viral Family Karaoke Nights,” nag-donate rin ang “Viral Scandal” ng P100,000 para sa home repair kits para sa mga sinalantang pamilya.
“There’s no such thing as a small amount, any amount will go such a long way. Nakaka-empathize ako sa lahat na naging biktima kasi isa sa mga paborito kong lugar ay Siargao. Nakita ko rin kung paano siya na-wipe out so please, let’s do our part. Magtulong-tulong tayo despite lahat ng mga nangyayari sa mundo ngayon,” panawagan ni Jake.
“Sa lahat ng pamilyang may pinagdadaanan ngayon, sana maramdaman niyo ang init ng pagyakap namin dahil hindi po kayo nag-iisa. Andito po kami para sa inyo. Sa kabila ng lahat ng hirap na pinagdadaanan natin, dahil Pilipino tayo, we can do this,” dagdag naman ni Dimples.
Sa mga susunod na gabi, makakasama naman ang KathNiel sa Marso 5, ang cast ng “Mars Ravelo’s Darna” para sa “Ultimate FamGames” mula Marso 6 hanggang Marso 8, at sina Charo, Karina, at Aljon para sa “Family Kilig Campaign” ng “MMK” at “Viral Scandal” sa Marso 9.
Noong Marso 3, umabot sa 203,110 na pamilya ang nabigyan ng food packs at 330 na pamilya ang nakatanggap ng home repair kits mula sa ABS-CBN Foundation kasama ang kanilang partners at donors. Nakalikom sila ng P96.98 milyon na cash donation at P16.35 milyon naman ang in-kind donations tulad ng bigas, de lata, hygiene kits, at mga kumot.
Sa mga gustong makatulong, maaaring mag-avail ng Tulong Vouchers sa Lazada at Shopee para sa karagdagang home repair kits sa mga naapektuhang pamilya.
Para sa iba pang impormasyon at paraan sa pag-donate, pumunta lang sa foundation.abs-cbn.com o i-follow ang ABS-CBN Foundation sa Facebook, Twitter, at Instagram accounts nito.
Ang kampanyang ito ay napapaloob ng DSWD Authority/Solicitation Permit ng ABS-CBN Foundation na DSWD-SB-SP-00026-21, valid nationwide hanggang Mayo 28,2022.