Damang-dama na ang buwan ng mga puso sa paghahatid saya at kilig ng hit loveteams nina Donny Pangilinan at Belle Mariano at KD Estrada at Alexa Ilacad sa unang dalawang araw ng “Kilig Match,” ang ika-apat na series ng “Tulong-Tulong sa Pag-ahon: Isang Daan Sa Pagtutulungan” ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation para sa mga biktima ng bagyong Odette.
Sinimulan ng hit loveteam nina Donny Pangilinan at Belle Mariano ang pagpapakilig sa pagiging game nila sa iba’t ibang challenges at tanong ng kanilang fans at host na si Darla Sauler noong Martes (Peb. 8). Ibinahagi nila ang mga dapat abangan ng fans sa ikalawang season ng “He’s Into Her” ngayong nasa lock-in taping sila.
“Ibang- iba ang Season 2 sa Season 1. Hindi kami mangspo-spoil pero kung rollercoaster ang Season 1, theme park ang Season 2,” pahayag ni Donny.
Dagdag ni Belle, “Expect niyo na ‘yung characters namin dito nago-grow na at nagmature so abangan niyo na lang.”
Kinamusta rin ni Darla ang estado ng dalawa sa kanilang relasyon matapos magsama sa iba’t ibang proyekto.
“Sinisigurado namin na ibinibigay namin yung more than 100% dito (He’s Into Her) kasi alam namin maraming nag-aabang na supporters and fans. Super na-appreciate namin sila. Ang magagawa lang namin ay ibigay ang best namin para mapasaya sila. Nandoon kami ngayon, we are doing it all,”pagbabahagi ng Kapamilya actor.
Matagumpay na nasungkit ng DonBelle fans ang kinakailangang kumu diamonds para maisagawa ang iba’t ibang challenges. Sa unang dare, rine-enact nina Donny at Belle ang iconic scene nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo sa “A Very Special Love.” Nasundan ito ng compatibility challenge, compliment battle, at pagduet nila sa kanta ni Belle na “Tanging Dahilan.”
Noong Miyerkules (Peb.9), ang KDLex naman ang sumabak para magbigay ng saya sa kanilang fans. Tinanong kaagad ni Darla sina KD at Alexa kung paano nila na-maintain ang kanilang closeness matapos ang “PBB” at kung sila ba ay umiibig.
Sagot ni KD, “In love sa trabaho.”
Samantala, si Alexa naman ay inutusan ang fans na tignan ang post niya sa Instragram stories para malaman ang estado ng kanyang puso. “Check niyo po yung IG stories ko. Yun yung sagot ko. Check niyo po yung latest. Hindi yung sa kumu, the IG story before that. Yun yung nabasa ko na sobrang nakarelate ako. So you be the judge,” saad niya.
Sabi sa post, mapapagtanto raw natin na may isang taong darating sa ating buhay at makakapagpabago ng ating isip tungkol sa pagmamahal. Kahit man hindi ito bukas sa pag-ibig, kusa ka raw na bibigay.
Sa pagbabasa ni Darla sa post, hindi napigilan maluha ni Alexa at sinabi, “Sobra akong nasaktan before na sinarado ko lahat. Happy lang ako na nandyan si KD. Blessing siya sa akin.”
Hinarana rin nila ang isa’t isa nang kumanta si KD ng “Paniwalaan Mo” ng Blue Jeans at “Fall” naman ni Justin Bieber ang kay Alexa.
Umabot nga sa mahigit 140,000 viewers ang nanood ng “Kilig Match” ng DonBelle habang mahigit 129,000 naman ang sumama sa KDLex sa kumu ng FYE channel. Napanood din ito saABS-CBN Entertainment YouTube channel, ABS-CBN Facebook page, at iWantTFC.
Makakasama rin sa “Kilig Match” sina Jeremy Glinoga, Angela Ken, at Sheena Belarmino ng “Lyric and Beat,” Francine Diaz, KD Estrada, Ashton Salvado, at Akira Morishita ng “Bola Bola,” at Seth Fedelin at Andrea Brillantes, “PBB” ex-housemates na sinaKobie Brown at Andi Abaya, Amanda Zamora at Chico Alicaya, Ralph Malibunas at Gail Banawis, ang cast ng “He’s Into Her”, Loisa Andalio at Ronnie Alonte, Enzo Pineda at Michelle Vito, at Paulo Avelino at Janine Gutierrez.
Noong Pebrero 9 (Miyerkules), umabot na nga sa 188,110 na pamilya ang natulungan ng ABS-CBN Foundation kasama ang kanilang partners at donors. Nakalikom naman sila ng P91,075,000 na cash donation at P16,012,000 worth ng in-kind donations tulad ng bigas, de lata, tubig, hygiene kits, at kumot.
Sa mga hindi naman nakakanood ng livestream ay pwede pa rin magdonate sa pamamagitan ngpag-avail ng Tulong Bag donation vouchers sa Lazada at Shopee na may katumbas na food pack (bigas at canned goods) para sa isang indibidwal o isang pamilya. Para sa iba pang impormasyon at paraan sa pag-donate, pumunta lang sa website ng ABS-CBN Foundation, saFacebook,Twitter, atInstagramaccounts nito. Ang kampanyang ito ay napapaloob ng DSWD Authority/Solicitation Permit ng ABS-CBN Foundation na DSWD-SB-SP-00026-21, valid nationwide hanggang Mayo 28,2022.