Si Irene Rose Ortega ang itinanghal na kauna-unahang ‘Kusina Kween’ dahil ang leveled-up mechado dish niya ang nanalo sa cooking challenge ng Cinema One noong Pasko.
Ginawa ni Irene na mas ispesyal ang Pinoy dish na mechado sa pagdadagdag ng cheesy white sauce at kanin na tinawag niyang Cheesy Mechadito Rice Bake. Mapapanood na ngayon ang “The Noche Buena Challenge” winning recipe sa Cinema One YouTube channel.
Samantala, wagi naman bilang first runner-up si Marie Reyes para sa kanyang Seafood Paella con Bagnet, kung saan mas dinagdagan pa niya ang mayamang lasa ng paella gamit ang paborito ng marami na bagnet.
Panalo rin bilang second runner-up si Maribeth Saporas at ang kanyang Christmas EmBundtido Wreath with Orange Marmalade Sauce dish, kung saan pinagsama-sama niya ang cordon bleu, chicken galantina, at embutido sa isang festive recipe.
English twist sa classic Pinoy dish na caldereta naman ang handog ng third runner-up na si Christine Cruz para sa kanyang Chicken Caldereta Shepherd’s Pie, kung saan ibinake niya ang caldereta kasama ang homemade mashed potatoes gaya ng shepherd’s pie na isang dish mula sa England.
Nag-uwi ng P50,000 at Kyowa air fryer oven na premyo si Irene at napanood din sa Cinema One noong Linggo (Enero 30) ang recipe niya kasama ang ibang winning entries. Nanalo rin sina Marie, Maribeth, at Christine ng Kyowa air fryer oven bilang consolation prize.
Kasama bilang hurado ng “Kusina Kween: The Noche Buena Challenge” ng Cinema One ang restaurateur, award-winning author, at “Simpol” creator na si Chef Tatung Sarthou at ang recipe developer at isa sa top Pinoy food bloggers ng YouTube na si Vanjo Merano ng “Panlasang Pinoy.”