Pitong parangal ang nakuha ng ABS-CBN para sa mga orihinal na content nito sa kauna-unahang adobo Video Fest 2021 ng adobo Magazine at Facebook Watch kamakailan lang.
Tinanghal na Best Music Video ang “Andito Tayo Para Sa Isa’t Isa: Ang Christmas ID ng Pilipino” lyric video nito sa dalawang kategorya (Creative Awards at Community Engagement), habang Best Entertainment-Lifestyle video ang “The Hows of Fatherhood” video ng Star Magic tampok si Markus Paterson.
Nanguna rin bilang Best Entertainment Drama ang “Kapamilya Throwback: Kilig scene of Adrian and Mich on Araw Gabi,” samantalang Best Talk Show sa Creative Awards ang “MMK Kumustahan (Love Again 2)” at Best Talk Show naman pagdating sa Community Engagement ang “Magandang Buhay: Ara’s fave bonding moment with Baching.”
Best Reality TV award naman ang tinanggap ng “It’s Showtime” para sa entry nitong “Toyang To Forget.”
Panalo rin ang Star Magic artist Enchong Dee bilang isang independent creator para sa dalawang episode ng kanyang vlog. Best Entertainment Interview/Talk Video ang kanyang “Honest Questions with Joshua Garcia” at Best Educational Video naman ang “Blue vs. Green! School rivalry with Robi Domingo.”
Tinaguriang “industry bible” ng mga nasa larangan ng creative, marketing, at advertising ang adobo Magazine na siyang nasa likod ng adobo Video Fest 2021. Layunin ng awards na ipagdiwang ang mga nasa likod ng orihinal, patok, at malikhaing palabas na napapanood sa Facebook Watch.