Napabilang si Miss Universe Philippines 2021 Beatrice Luigi Gomez sa listahan ng mga matutunog na pangalan sa nalalapit na 70th Miss Universe Competition, na mapapanood ng LIVE ng mga Pilipino ngayong Lunes (Disyembre 13) sa A2Z channel 11 simula 7:30 am.
Nasa ika-walong pwesto si Beatrice sa “First Hot Picks” list ng tanyag na beauty pageant website na Missosology, kasama ang iba pang mga kandidata na agad nagpakita ng husay pagkarating pa lang nilang Eilat, Israel, kung saan gaganapin ang koronasyon.
Bukod sa kanyang angking ganda, patuloy na umaangat din ang personalidad ng Cebuana beauty, na abala pa rin sa kanyang paghahanda. Sa ulat ni Dyan Castillejo para sa “TV Patrol” kamakailan lang, inamin niyang tinitingala niya ang kasalukuyang Miss Universe na si Andrea Meza ng Mexico pagdating sa pagharap sa kompetisyon.
“Lahat ng kalahok noong nakaraang taon ay magaganda at matatalino. Pero kung may isang bagay na natutunan ako mula kay Ms. Andrea Meza, ‘yun ay ang pagiging totoo niya sa kanyang sarili at na mahalagang maging kung sino ka talaga, aniya.
“Ang pagiging si Bea Luigi Gomez ang kanyang pinakamalaking sandata,” ani Miss Universe Philippines Organization director for communications Voltaire Tayag sa nasabing ulat.
“Bukod sa pagiging unang kandidata na bukas sa kanyang pagiging bisexual, miyembro rin siya ng Philippine Navy Reserve at isa ring volleyball player at community development worker. So napaka-daming parts na napaka-interesting niyang tao,” paliwanag ni Voltaire.
Nangunguna rin sa mga listahan ang mga delegado mula sa Japan, Chile, Puerto Rico, Brazil, Venezuela, Spain, India, Colombia, at Paraguay.
Muling nakipagtulungan ang ABS-CBN sa Miss Universe para ihatid ang pinakamagandang araw sa universe sa mga Pilipino. Panoorin at suportahan si Miss Universe Philippines 2021 Beatrice Luigi Gomez ng LIVE sa Disyembre 13, 7:30 pm sa A2Z channel 11 at may same day replay ng 11 pm. Panoorin muli sa Kapamilya Channel ng Disyembre 19 ng 10:30 pm at Metro Channel sa Disyembre 20 (7 pm), sa December 22 (1 pm), and December 25 (10 pm). Isi-stream din sa iWantTFC ang mga replay.