in

Malasakit ng mga Pinoy, ibinida sa Christmas music video ng MOR at ABS-CBN Regional

Muling nangibabaw ang kabutihan, katapangan, at malasakit ng Pilipino sa inilunsad na Christmas music video ng MOR Entertainment at ABS-CBN Regional noong Disyembre 1 na nagtatampok sa iba-ibang wika sa mga rehiyon sa bansa.

Sa kanilang sariling bersyon ng “Andito Tayo Para Sa Isa’t Isa: Ang Christmas ID ng Pilipino,” binida nila ang kwento ng mga kababayan nating patuloy na lumalaban at naglilingkod sa kapwa at sa kanilang pamilya. Isinalin din ang ilang bahagi ng kanta sa sa Bisaya, Waray, Ilocano, Pangasinense, Kapampangan, Bicol, Chavacano, Hiligaynon, at Cebuano.

Kabilang sa mga itinampok dito ang isang miyembro ng Philippine Air Force na nag-sanay mag-swab para sa mga kapwa sundalo, at mga nars, fish vendor, at guro na tuloy pa rin sa kanilang trabaho sa kabila ng pandemya. Ibinahagi rin ang kwento ng isang pedicab driver na tinalikuran ang bisyo para sa kanyang mga mahal sa buhay, at ang isang ina na milya ang nilalakad sa pagtitinda upang kumita para sa kanyang mga anak.

“Ito ang kwento ng mga Pilipinong nagtatagumpay sa tulong ng Dios at bawat isa – isang kwentong hindi natin kakalimutan, ngayong pasko and FOR LIFE,” ika ni Dennis “David Bang” Ba-ang, ang MOR creative lead at siya ring editor at producer ng music video.

Kasama ni David Bang sa video ang buong pwersa ng MOR Entertainment na nakipagsabayan sa pag-awit at pagsayaw sa bagong Christmas theme ng mga Pinoy. Naroon sina Erick D (Naga), Jeri B (Dagupan), Tito Son at Bong Bastic (Baguio) ng Luzon; Daddy Sarge at Maninoy (Ioilo), Jacky G at James Spider (Cebu) at Macky Kho (Tacloban) ng Visayas. Kasama din ang Team Manila na sina Chico Martin, DJ Onse, DJ Bea, DJ Popoy, Chanitalakera, at Chinaheart. Nakiisa rin ang kapwa pambato ng Mindanao ni David na si Mary Jay (Cagayan de Oro), Betina Briones (General Santos) at Kokoy Martin (Davao).

Ayon kay ABS-CBN Regional officer-in-charge Kiby Bosque, binuo nila ang Christmas video kasama ang mga dating empleyado ng ABS-CBN Regional na isinasabuhay pa rin ang pagiging “in the service of the Filipino.”

“Taos puso kaming nagpapasalamat sa lahat ng mga tumulong na mabuo ang music video na ito. Nakakataba ng puso ang walang humpay na pagmamahal at pagsuporta ng ating mga kapamilya sa ABS-CBN, sa ABS-CBN Regional at sa MOR,” sabi niya.

Katuwang din nila sa proyektong ito ang iba pang mga talento mula sa mga rehiyon tulad ng Dreamboard artists, Dhassig band, USTP Gintong Amihan Dance Troupe, at si Lexter Taganas ng WEE Viral. Nagbigay rin ng mensahe ng pag-asa si Olympic silver medalist Carlo Paalam at Miss Intercontinental 2021 Cinderella Faye Obeñita.

Panoorin ang bersyon ng MOR Entertainment at ABS-CBN Regional ng “Andito Tayo Para Sa Isa’t Isa: Ang Christmas ID ng Pilipino” sa Facebook pages ng ABS-CBN Regional, MOR Entertainment, at ABS-CBN Entertainment, maging sa MOR Entertainment YouTube channel. Abangan din ito sa iba pang digital at cable platforms ng ABS-CBN.

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Beyond Zero pinatunayang hindi lang sila pang-Tiktok sa kanilang digital concert

Vice Ganda, wagi bilang Best Entertainment Host sa 2021 Asian Academy Creative Awards