Tatanggap ang 31 ahensiya at LGU ng prestihiyosong KWF Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko para sa kanilang paggamit ng Filipino ngayong panahon ng pandemya sa pagtatapos ng Buwan ng Wika sa 31 Agosto.
Kinikilala ng parangal ang mga ahensiya at LGU na tumatalima sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 (EO 335). Hinihimok ng nasabing EO ang lahat ng mga kagarawaran, kawanihan, opisina, ahensiya, at instrumentalidad ng pamahalaan na gamitin ang wikang Filipino sa mga opisyal na transaksiyon, komunikasyon, at korespondensiya.
Para sa taóng ito, nagtuon din ang KWF sa naging pagkilos ng mga ahensiya at LGU sa paggamit ng Filipino sa panahon ng pandemya.
May apat na antas ang gawad mula 1 hanggang 4. Tatanggap ang sumusunod na ahensiya ng Selyo:
Unang antas: DBM, DAR, DOST, MTRCB, OPAP, JRMMC, Bayan ng Orion, Lungsod Parañaque, Lungsod Valenzuela, at Museo ng Pasig.
Ikalawang antas: DA, DOLE-BWSC, DOT, DENR, DepEd Central, DepEd Rehiyon V, DILG, MIAA, PCOO, PAF, at Bayan ng Marilao.
Ikatlong antas: DSWD, MMDA, QMMC, RMC, at Lungsod Sta. Rosa.
Ikaapat na antas: CFO, Lungsod Mandaluyong, Lungsod Maynila, at Lungsod Taguig
At sa unang pagkakataon, pagkakalooban naman ng KWF Selyo ng Dangal sa Serbisyo Publiko ang Korporasyong Pangkoreo ng Pilipinas (PHLPost) para sa kanilang huwarang paggamit ng Filipino sa buong bansa.
Iginawad ang pinakamataas na karangalan sa PHLPost para sa kanilang limang magkakasunod na taóng pagtanggap ng parangal mula 2016–2021. Mapapanood ang online na parangal, 9–11nu, sa FB page ng KWF.