Isang misteryosong karakter ang bibigyang-buhay ng Kapamilya heartthrob na si Ian Veneracion sa pagpasok niya sa inspirational teleseryeng “Huwag Kang Mangamba” kasama sina Andi Abaya, Nash Aguas, Vivoree Esclito, Richard Quan, at Andrea del Rosario.
Nananatili pa rin sa ABS-CBN si Ian at gagampanan sa serye si Elias, isang bagong karakter na magiging malaki ang papel sa buhay ni Mira (Andrea Brillantes).
“I’m really excited kasi si Elias, darating siya sa buhay ni Mira. Pero hindi ko pwedeng sabihin sa inyo kung kaibigan ba siya, kalaban ba siya, mabait ba siya o masama. May pagka-surprise ‘yun eh so excited ako para sa character ko,” pahayag ni Ian sa script-reading video ng cast na inilabas ng Dreamscape Entertainment.
Ayon sa mga direktor ng serye na sina Direk Manny Palo at Darnel Villaflor at ang creative producer na si Danica Domingo, bagay na bagay si Ian para gampanan si Elias dahil sadyang may pagka-misteryoso ang kanyang karakter. Magiging malaking parte rin si Elias sa buhay ng magkapatid na Mira at Joy (Francine Diaz) dahil tuturuan niya ang mga itong manindigan para sa kanilang pananampalataya kay Bro.
Makikilala rin ni Mira ang karakter ni Andrea del Rosario na si Thelma, isang masikretong babae na may masasamang plano. “Super evil siya. Makikita mo mabait siya at first but as we go along in the show, lalabas ‘yung intensyon niya kung bakit siya ganun,” sabi ni Andrea.
Gagampanan naman nina Andi at Nash sina Mikay at Apollo, mga batang ampon na magiging kaibigan ni Mira.
“Si Mikay po, isa po siya sa mga anak na in-adopt po ng mag-asawa and siya po ang tine-treat nila as baby. Siya po ‘yung mahina ang loob at magiging kaibigan po niya si Mira,” kwento ni Andi, na isa sa mga miyembro ng teen barkada na The Squad Plus ng Dreamscape Entertainment.
Dagdag naman ni Nash, “Si Apollo po ay isang ampon. Inampon po siya sa pamilya Policarpio kasama ng iba pang mga ampon. Ako po ‘yung pinakamatanda sa lahat ng mga bata and in a way, ako po ‘yung disciplinarian nila.”
Marami pang sorpresa ang nag-aabang sa viewers ng “Huwag Kang Mangamba,” kabilang na ang pagpasok sa kwento ng mga bagong karakter nina Richard at Vivoree.
Abangan sina Ian, Andrea, Andi, Nash, Richard, at Vivoree sa “Huwag Kang Mangamba.” Napapanood ang serye gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, WeTV, at iflix. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “Huwag Kang Mangamba.” Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.