Excited na talaga ang viewers na mapanood ang bagong Kapamilya star at award-winning actress na si Janine Gutierrez sa unang Kapamilya teleserye niyang “Marry Me, Marry You.” Umabot sa isang milyong views sa loob ng anim na oras ang patikim na video na inilabas ng ABS-CBN Entertainment at Dreamscape sa Facebook at YouTube noong Miyerkules (Hunyo 30).
Sa mala-wedding video na “first look,” makikitang nakasuot ng wedding gown si Janine at nakaharap sa altar kasama ang leading man niyang si Paulo Avelino. Hindi rin nagpahuli ang co-stars at mga direktor nila sa serye na pawang mga nakadamit pangkasal na para bang dumalo sa isang totoong wedding ceremony.
“Sobrang excited ako kasi base sa mga na-shoot na natin, nakakakilig. Kinikilig ako so I’m sure kikiligin din ang mga Kapamilya natin. Matagal ko nang pinagdarasal na magkaroon ng ganitong klaseng kwento na sweet, heartfelt, romantic pero comedy atsaka naipapakita ang mga nararanasan at mga hinahangad nating mangyari sa buhay natin,” sinabi ni Janine, na nagwagi ng Gawad Urian Best Actress Award noong 2020.
Pahayag naman ni Paulo, “I’m very excited since first teleserye rin ito ni Janine sa ABS. I’m always very excited to work with people na hindi ko pa nakakatrabaho dito, not just Janine, but a lot of the cast as well. Sino ba namang leading man ang hindi matutuwa na maganda ang kaharap niya lagi at nakikita araw-araw?”
Gaya ni Janine, unang beses ding bibida sa isang Kapamilya teleserye ang co-stars niyang sina Sunshine Dizon at Jake Ejercito.
Sa “Marry Me, Marry You,” gagampanan nina Janine at Paulo sina Camille at Andrei, na mula sa dalawang magkaibang pamilya at pagtatagpuin ng tadhana, ayon sa direktor nitong si Dwein Ruedas Baltazar. Dadag pa niya, “relatable” ang serye at makakakuha ng ginhawa ang mga viewer mula sa kwento nito.
“I wanted something na the audience can come home to, bukod sa relate to, kapag pagod sila or nade-drain na sila sa life. Kapag pinanood nila ‘yung show, may comfort silang mararamdaman dito, parang mini-sanctuary na pwede nilang maging takas,” sabi ni Direk Dwein.
Sabi naman ni Direk Jojo Saguin, “hindi typical teleserye” ang programa at magbibigay ito ng pag-asa, inspirasyon, at maraming aral para sa mga pamilya.
“As much as possible, our goal is to be light pero nakakapagpaiyak ng tao. Hindi ‘yung may walling, matataas ang boses na may sigawan. Dito, ita-try natin na ibahin. Kahit siya light, may kurot sa puso,” pahayag ni Direk Jojo.
“Masasabi nila na “Isa ako sa pamilya na ‘yun e. Masaya ang pamilya ko kahit nakakaranas kami ng ganitong pangyayari at problema.’ Merong aral na matuturo. In the end, family is love. Family is forever,” sabi niya.
Kabilang din sa star-studded cast ng “Marry Me, Marry You” ang mga batikang aktor na sina Cherry Pie Picache, Vina Morales, Teresa Loyzaga, Lito Pimentel, Joko Diaz, Jett Pangan, at Edu Manzano.
Dapat ding abangan sa serye sina EJ Jallorina, Iana Bernardez, Luis Vera Perez, Fino Herrera, Adrian Lindayag, Keann Johnson, Angelica Lao, Analain Salvador, at Meanne Espinoza.
Ang “Marry Me, Marry You” ay sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment at malapit nang mapanood sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN.