Mga kwentong Pinoy na puno ng kilig, katatawanan, at saya ang mae-enjoy sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment sa pagpapalabas nito ng patok na Pinoy movies at mga teleserye na may English subtitles at dubbing mula Hunyo 25 hanggang Hulyo 31.
Ito ang espesyal na handog ng ABS-CBN sa buong mundo bilang bahagi ng pagdiriwang nito ng kalayaan ng Pilipinas ngayong Hunyo.
Naka-English dubbing na ang sagutan nina Sara at Kara na parehong ginampanan ni Julia Montes sa patok na seryeng “Doble Kara.” Dito, muling masusundan ang kwento ng magkakambal na pinaglayo at pagtatagpuin ng tadhana at may magkaibang ugali at ambisyon.
Nariyan ang “It Might Be You” nina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz tungkol sa dalawang magkakabatang magmamahalan sa kabila ng magkaiba nilang estado sa buhay.
Bida naman ang kwento ng overseas workers sa “Crazy For You” nina Toni Gonzaga at Luis Manzano. Susundan nito ang kwento ng isang katulong at isang among magkakahulugan ng loob nang walang kamalay-malay sa koneksyon nilang dalawa.
Handog din ng ABS-CBN Entertainment ang limang pelikulang may kasamang English subtitles, kabilang na ang “Super Parental Guardians,” kung saan magsisilbing mga magulang sina Vice Ganda at Coco Martin sa dalawang batang nawalan ng ina at ama.
Matinding unos naman ang pagdadaanan ng relasyon nina Gerald Anderson at Bea Alonzo sa “How To Be Yours” dahil sa magkaibang pangarap nila para sa kanilang sarili at relasyon.
Kilig at katatawanan ang ihahain nina John Lloyd Cruz at Jennylyn Mercado sa “Just the 3 of Us” sa love story ng isang piloto at isang flight attendant na mapipilitang magsama sa iisang bubong nang magbunga ng isang baby ang isang mapusok na gabing pinagsaluhan nila.
Sina Kris Aquino, Kim Chiu, at Jodi Sta. Maria naman ang nangunguna sa “All You Need is Pag-ibig” tungkol sa iba’t ibang kwento at uri ng pag-ibig.
Sa fantasy comedy-drama na “Kusina Kings,” mag-best friend sina Zanjoe Marudo at Empoy Marquez na sasali sa isang cooking contest para maisalba ang restaurant at pagkakaibigan nila.
Anuman ang salita, madadama ang parehong emosyon sa mga pelikula at teleserye ng ABS-CBN kaya mag-subscribe na sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment, ang pinakapinapanood na YouTube channel sa Southeast Asia, para ma-enjoy ang mga ito nang libre mula Hunyo 25 hanggang Hulyo 31.