Rarampa na si Erich Gonzales para sa hustisya upang patumbahin ang mga taong nang-api sa kanya sa ABS-CBN teleseryeng “La Vida Lena,” na mapapanood na ngayong Hunyo 28 sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at TV5 ng 10 PM.
Susundan ng kwento nito si Magda (Erich), isang babaeng puro panlalait ang nakukuha sa iba dahil sa peklat na tumatakip sa kalahati ng kanyang mukha. Sa kabila nito, lumaki siyang mabuti, masipag, at mapagmahal sa mga kapamilya at kaibigan.
Dahil sa hangaring makatulong sa kapwa, makakaimbento si Lena ng isang sabong papatok sa buong bayan ng Salvacion dahil sa kakayahan nitong magpakinis ng kutis. Ngunit imbes na yaman ang makuha niya mula sa produktong ito, sunod-sunod na kamalasan ang matitikman niya mula sa mga Narciso, ang pinakamakapangyarihang pamilya sa bayan ng Salvacion.
Pagkatapos niyang tanggihan ang alok na ibenta ang formula ng sabon niya sa Royal Wellness, ang kumpanyang pagmamay-ari ng mga Narciso, sari-saring pagdurusa ang sasapitin niya sa kamay nila. Lolokohin at paiibigin siya para manakaw ang formula ng sabon niya, mawawalan ng mahal sa buhay, at magdurusa sa bilangguan.
Sa kabila ng matagal na paghihirap, makakaahon mula sa pagiging api si Magda at magbabagong-anyo siya bilang si Lena. Taglay ang bagong mukha ng karma, babalik si Lena sa Salvacion para maghanap ng hustisya at maghiganti sa mga sumira sa kanya.
Hanggang saan dadalhin si Lena ng kanyang paghihiganti? Kanino titibok ang puso ni Lena na napatigas ng kalupitan – si Jordan (Carlo Aquino), ang kababata niyang matagal nang may pagtingin kay Lena, si Adrian (JC De Vera), isang Narciso na paiibigin ni Lena, o si Miguel (Kit Thompson), ang lalaking nanloko at nakabuntis sa kanya noon?
Makakasama rin sa powerhouse cast ng “La Vida Lena” sina Janice De Belen, Agot Isidro, Raymond Bagatsing, Sofia Andres, Christian Vasquez, Pen Medina, Ruby Ruiz, Soliman Cruz, Malou Crisologo, Josh Ivan Morales, Hasna Cabral, Danica Ontengco, at Renshi De Guzman.
Ang serye naman ay mula sa direksyon nina Jojo Saguin, Andoy Ranay, at Jerry Lopez-Sineneng.
Huwag palampasin ang pagsisimula ng “La Vida Lena” ngayong Hunyo 28 sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z. Mapapanood din ang episodes nito sa iWantTFC at sa The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV para sa viewers sa labas ng Pilipinas.
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.