Hindi na bago para sa Kapuso actor na si Ken Chan na gampanan ang ilang makukulay at ‘di pangkaraniwang karakter sa kanyang pinagbidahang mga teleserye.
Taong 2015 nang unang mabigyan ng titular role ang aktor sa ‘Destiny Rose’ kung saan gumanap siya bilang transgender woman. Mas umingay pa ang kanyang pangalan nang bigyang-buhay niya ang karakter ni Boyet na may mild intellectual disability sa ‘My Special Tatay.’
At sa Afternoon Prime series na ‘Ang Dalawang Ikaw’ na magsisimula na sa June 21, mapapanood naman si Ken bilang ang butihing asawa ni Mia (Rita Daniela) na si Nelson na may Dissociative Identity Disorder na magiging dahilan kung bakit mabubuhay ang karakter ni Tyler, ang gun dealer at fiancé ni Beatrice (Anna Vicente).
Malaki ang pasasalamat ni Ken sa Kapuso Network, “Lagi kong sinasabi that I am very blessed and thankful to GMA-7 dahil nabibigyan nila ako ng mga serye na may ipinaglalaban o may advocacy, tinatawag nga natin itong advocaserye.”
Dagdag pa ng aktor, “Ito yung roles na pinapangarap kong gawin at nabigyang katuparan ito ng GMA-7. Kaya sobra ang pasasalamat ko sa kanila dahil bukod sa nagagawa ko ang passion ko sa pag-arte ay nakakatulong din ako sa viewers na ipakita sa kanila ang iba’t ibang mukha ng mga tao sa pamamagitan ng roles na ginagawa ko.”
Tunghayan ang kuwento nina Nelson at Tyler sa Ang Dalawang Ikaw simula ngayong Lunes, June 21, sa GMA Afternoon Prime.