in

Serbisyo ng ABS-CBN sa mga Pilipino sa panahon ng pandemya, kinilala sa 2021 Asia-Pacific Stevie® Awards

Muling kinilala ang ginawang pag-responde ng ABS-CBN sa iba-ibang pangangailangan ng mga Pilipino sa panahon ng pandemya sa 2021 Asia-Pacific Stevie® Awards.

Sa gaganaping virtual awards ceremony sa Hulyo 14, gagawaran ang kumpanya ng Silver Stevie® for Most Valuable Corporate Response sa prestihiyosong awards program, kasama ang iba pang natatanging indibidwal at organisasyon sa rehiyong Asia-Pacific.

Noong 2020, habang ipinaglalaban ang bagong prangkisa, gumawa ng sari-saring aksyon ang ABS-CBN para matulungan ang mga Pilipino laban sa banta ng COVID-19, na siyang nagbago sa kanilang pamumuhay.

Para sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa lockdown, inilunsad ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation noong Marso 2020 ang “Pantawid ng Pag-ibig” fundraising campaign, kung saan nag-donate ang kumpanya ng P50 milyon bilang panimula. Nagsagawa rin ito ng malaking digital concert tampok ang mahigit 100 na bituin upang makalikom ng pondo sa proyekto, na sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor ay nakapaghatid ng pagkain at basic necessities sa mahigit 900,000 na pamilya.

Bago pa man ipinatupad ang community quarantine, nagsimula na ang kumpanya sa pagbibigay kaalaman sa publiko tungkol sa COVID-19 sa “Ligtas Pilipinas sa COVID-19” information campaign. Ibinalita rin nito ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno at ipinakita rin ang epekto ng krisis sa mga mamamayan, lalo na sa mga health care worker, sa mga likha nitong dokumentaryo.

Habang nasa loob ng bahay ang mga tao, binigyan sila ng ABS-CBN ng mga palabas bilang libangan at pagkukuhanan ng inspirasyon tulad ng mga klaskikong programa at educational shows, at pati na rin daily mass at fitness program para sa espiritwal at pisikal na kondisyon ng mga pamilya. Nagkaroon din sila ng libreng access sa mga pelikula at bagong content sa mga digital platform ng ABS-CBN tulad ng iWant, na tinatawag na ngayong iWantTFC.

Ayon sa isang hurado ng ika-walong sia-Pacific Stevie® Awards, mahusay ang reaksyon ng ABS-CBN para sa bansa at mga mamamayan nito ngayong panahon ng pandemya. Dagdag pa ng isa, maganda raw ang nagawa nito lalo na’t mahalaga ang pagtulong ng lahat para malagpasan ang mga paghihirap dulot ng COVID-19.

Ito ang ikalawang Silver Stevie® na tinanggap ng ABS-CBN para sa COVID-19 response nito. Una na itong nanalo noong 2020 sa 17th International Business Awards, na bukas sa lahat ng organisasyon sa buong mundo. Samantala, para sa mga nasa Asia Pacific lamang ang Asia-Pacific Stevie® Awards. Tinuturing na pinakamalaking pagkilala sa larangan ng business ang Stevie Awards.

Samantala, tumanggap din ng Philippine Quill Award ang COVID-19 response program ng ABS-CBN kamakailan lang mula sa International Association of Business Communicators (IABC) Philippines.

Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o bumisita sa www.abs-cbn.com/newsroom.

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Martin Javier at Sophia Senoron, mukha ng ‘Rise Up Stronger: The Road to NCAA Season 96’

Christian Bautista, napili bilang judge sa Djooky Music Awards!