Responsableng paggamit ng social media ang hatid na mensahe nina Francine Diaz, Kyle Echarri, Seth Fedelin, at Andrea Brillantes sa bagong anthology series na “Click, Like, Share.”
Mapapanood ito sa buong mundo simula Hunyo 5 at may bagong episode tuwing Sabado sa KTX.ph at iWantTFC. Magiging available din ito ngayong taon sa TFC IPTV at Upstream.
Bibigyang diin ng serye na kahit na mahalaga ang papel ng social media sa buhay ng mga kabataan ngayon, marami rin itong nadudulot na masama tulad ng bashing, cyberbullying, at online harassment kapag hindi ito ginamit sa tamang paraan.
Si Kyle ang bibida sa unang episode na “Reroute” bilang si Brennan, na mag-iiba ang buhay nang biglang magkagusto sa kanya ang kinakaadikan niyang app. Sa “Cancelledt” naman, magkakatotoo ang tila perpektong buhay na ipinapakita ni Karen (Francine) sa social media, ngunit mayroon panganib na kapalit.
Bibigyang-buhay naman ni Seth si Cocoy sa “Trending,” tungkol sa pagkakalat niya ng fake news sa isang kwentong nag-viral sa social media. Bibida si Andrea bilang si Beth sa “Poser,” kung saan haharap siya sa sunod-sunod na pagsubok dahil sa clone na gawa ng isang app.
Makakasama rin sa episodes ang The Squad Plus members na sina Danica Ontengco at Renshi de Guzman, pati na sina Jimuel Pacquiao at Nio Tria sa kanilang acting debut.
Kasunod ng premiere ng unang episode sa Hunyo 5 ng 6 PM, isang bagong episode ang mapapanood tuwing Hunyo 12, Hunyo 19, at Hunyo 26 ng 6 PM.
Para mapanood ang apat na episodes, bumili lang ng season pass sa KTX.ph (P299) o iWantTFC (P299 sa Pilipinas o US$5.99 sa labas ng Pilipinas). Mayroon ding kalakip na bonus features at fan meet sa bawat episode kapag nanood sa KTX.ph.
Mula ito sa direksyon ni Emmanuel Q. Palo at produksyon ng iWantTFC at ABS-CBN Entertainment kasama ang Dreamscape Entertainment at Kreativ Den.
Abangan ang unang episode ng “Click, Like, Share” sa KTX.ph at iWantTFC ngayong Hunyo 5, at malapit na sa TFC IPTV at Upstream. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.