Daragdag si Kapamilya teen star Zaijian Jaranilla sa mga Pilipinong artista na tampok sa American crime drama series na “Almost Paradise.”
Kasama si Zaijian sa episode ngayong Linggo (Mayo 9) na mapapanood ng 8:45 pm sa Kapamilya Channel at A2Z, at may streaming sa iWantTFC at Kapamilya Online Live sa Facebook at YouTube para sa mga nasa Pilipinas.
Sa inilabas na teaser sa social media, makikita ang young star kasama ang beteranong aktor na si Art Acuña, na gumaganap bilang Detective Ernesto Alamares sa programang handog ng Electric Entertainment at ABS-CBN.
Sa episode na ito, magsisilbing bodyguard ang dating secret agent na si Alex Walker (Christian Kane) para sa tanyag na country singer na si August Crowe na naroon sa Cebu para sa isang concter. Mula pagiging fan, unti-unting nauubos ang repseto ni Alex sa idolo nang makita kung paano ito sa pribado niyang buhay. Gayunpaman, ang banta mula sa mga matinik na kidnapper ang magiging dahilan para maging malapit sila sa isa’t isa.
Gaganap bilang August ang aktor na si Billy Ray Gallion, na napanood sa mga palabas na “Brooklyn Nine-Nine” at “Lost” sa Amerika at naka-arte na kasama ng mga Pilipino sa “Quezon’s Game” at “Ang Babae Sa Septic Tank 3.”
Sa huling tatlong episode ng “Almost Paradise,” patuloy nitong ibibida ang talento ng mga Piilipino sa pangunguna ng main Filipino cast na sina Art, Nonie Buencamino, at Samantha Richelle. Sa likod ng kamera, mga Pilipino rin ang nagtrabaho sa pinakaunang American TV series na kinuhanan ng buo sa Pilipinas.
Daragdag pa sa Pinoy power sa ikawalong episode maliban kay Zaijian ang premyadong aktor na si Elijah Canlas, si Lloyd Zaragoza, at si Al Gatmaitan. Pilipino rin ang direktor ng episode na si Irene Villamor, na nasa likod ng mga pelikulang “On Vodka, Beers, and Regrets,” “Meet Me in St. Gallen,” at “Sid & Aya: Not A Love Story.”
Alamin kung ano ang gagampanan ni Zaijian Jaranilla sa “Almost Paradise” ngayong Linggo (Mayo 9), 8:45 pm sa Kapamilya Channel, A2Z, iWantTFC, at Kapamilya Online Live (KOL) sa Facebook at YouTube.
Mapapanood rin sa Pilipinas ng paulit-ulit ang pinakabagong episode ng libre sa loob ng pitong araw sa KOL sa YouTube. Sa iWantTFC naman mapapanood ng mga nasa Pilipinas ang iba pang umereng episode sa Ingles at Filipino. I-follow @AlmostParadiseTV at @AlmostParadisePH sa Facebook. Sundan din ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.