Nanalo ang ABS-CBN ng Philippine Quill Award para sa pagtugon nito sa COVID-19 sa pamamagitan ng paghatid ng tulong sa mga Pilipinong naapektuhan ng quarantine, pagbigay kaalaman sa publiko tungkol sa pandemya, at pagpalabas ng mga programang may dalang inspirasyon para sa mga manonood.
Mahigit 900,000 na pamilya ang nakatanggap ng tulong sa pamamagitan ng “Pantawid ng Pag-ibig” ng ABS-CBN Foundation Inc. sa loob ng anim na buwan mula noong inilunsad ito noong Marso 2020 kasama ang iba’t ibang partner organizations at mga lokal na pamahalaan.
Patuloy pa rin ang proyekto na ito na tinatawag ngayon na “Pilipino Para sa Pilipino.” Namulat din ang taumbayan tungkol sa COVID-19 gamit ang TV, radyo, at online sa tulong ng Kapamilya personalities sa “Ligtas Pilipinas sa COVID-19” information drive at sa malawakang pagbabalita ng mga mensahe at direktiba ng gobyerno sa publiko tulad ng health protocols. Binalik naman ng ABS-CBN ang mga programang nagbigay aral, inspirasyon, at entertainment para mapawi ang mga pag-aalala ng mga Pilipino.
Nagbigay din ng libreng access sa 1,000 na mga pelikula sa iWant at naglunsad ng bagong mga palabas online habang tinitiyak ang kapakanan ng Kapamilya stars at empleyado. Samantala, nanalo rin ng Philippine Quill Award ang “KapamilYammer” na ginagamit ng kumpanya para sa komunikasyon sa mga empleyado gaya ng mga mahahalagang update at impormasyon lalo na noong panahon ng quarantine.
Pinararangalan ng International Association of Business Communicators (IABC) Philippines taon-taon ang mga mahuhusay na mga programang pang-komunikasayon ng iba’t ibang organisasyon sa bansa sa Philippine Quill Awards. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Instagram, at Twitter, o pumunta sa abscbnpr.com.