Itinanghal na pinakabagong grand champion ng “Tawag ng Tanghalan” si JM Yosures ng Taguig City matapos niyang makuha ang pinakamataas na combined total scores mula sa mga hurado at text votes sa worldwide-trending grand finals ng ikaapat na taon ng kumpetisyon sa “It’s Showtime” noong Sabado (Pebrero 6).
Naitala ni JM ang total combined score na 89% mula sa hurado scores at text votes ng madlang people at dinaig ang kapwa Final Three contenders na sina Rachell Laylo (77.6%) at Ayegee Paredes (73.1%).
Bilang grand champion, nag-uwi naman si JM ng P1 milyon, brand new house and lot mula sa Lessandra na nagkakahalaga ng P2 milyon, recording contract sa Star Music, management contract sa Star Magic, at isang espesyal na trophy na gawa ni Toym Imao.
Hindi naman umuwi nang luhaan sina Rachell at Ayegee dahil nagwagi sila ng tig-P200,000 at P100,000 bilang second placer at third placer.
Mahigpit ang naging labanan sa huling round ng tapatan kung saan inawit ni JM ang pambato niyang medley ng mga awitin ni Lady Gaga na “Million Reasons,” “I’ll Never Love Again,” at “You and I.” Nakakuha rin siya ng standing ovation mula sa mga hurado para sa performance niya ng “House of the Rising Sun” sa unang round.
Kumapit naman sa palighasan ang netizens dahil nag-numero uno sa Twitter trending topics sa buong mundo at Pilipinas ang hashtag na #TNT4AngHulingTapatan, kasama sina JM, Rachell, Ayegee, at Vice. Napasama rin sa trending topics sa Pilipinas sina Karylle, Lady Gaga, at grand finalists na sina Makki Lucin at Nikole Bernido.
Hindi lang sa Twitter pero maging sa YouTube ay trending sa number four sa Pilipinas ang Saturday episode ng week-long grand finals. Mula Pebrero 1 hanggang 6 naman, nagtala ito ng 2.6 milyong views sa Facebook at YouTube.
Para naman tumulong sa pagpili ng grand champion, nagsama-sama ang mga hurado at OPM icons na sina Gary Valenciano, Louie Ocampo, Zsa Zsa Padilla, Randy Santiago, Jaya, Erik Santos, Kyla, Jed Madela, Karylle, Nyoy Volante, Mitoy, at Rey Valera sa panghuhusga ng performances.
Pagkatapos ng grand finals ng “Tawag ng Tanghalan,” nakatakda namang magsimula ang ikalimang taon nito sa “It’s Showtime” ngayong Lunes (Pebrero 8) para magpatuloy sa paghahanap ng magagaling na Pinoy singers.
Panoorin ang “It’s Showtime” mula Lunes hanggang Sabado (Pebrero 1-6) ng tanghali sa A2Z channel sa digital at analog TV. I-scan lang ang digital TV boxes para hanapin ang A2Z channel na mapapanood sa Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Bataan, Batangas, Bulacan, at Pampanga.
Patuloy din itong napapanood mula Lunes hanggang Sabado sa Kapamilya Channel sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa), sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.