in

5 Box Office Hits ng KathNiel, magkakaroon ng remake sa India

Nakatakdang gawan ng Bollywood remake ang mega-blockbuster hits mula sa nangungunang movie outfit sa Pilipinas.

Inihayag ng ABS-CBN Film Productions ngayon na makikipag-sanib pwersa ito sa Global One Studios ng India para sa adaptation ng limang pelikula na pinagbibidahan ng box office stars na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Ito na ang kauna-unahang pagkakataon para sa Philippine cinema na madala ang ilan sa tumatak na pelikulang Pinoy sa India na itinuturing na isa sa pinakamalaking film market sa buong mundo. Itatampok sa magiging Bollywood remake ang mga artista at talented Indian loveteams.


Kinilala namang Phenomenal Box Office Stars sina Kathryn at Daniel noong 2019 para sa “The Hows of Us,” Box Office King and Queen noong 2017 para sa “Barcelona: A Love Untold,” Prince and Princess of Philippine Movies noong 2018 para sa “Can’t Help Falling In Love” at gayundin noong 2016 para sa “Crazy Beautiful You.”

Kasabay ng proyekto ang pagdiriwang ng KatNiel ng kanilang ika-10 taon bilang loveteam. Nagsimula ang dalawa na magsama sa telebisyon noong 2011 at nang naglaon ay bumida na rin sa iba’t ibang movie projects.

Ang kanilang “She’s Dating The Gangster” movie ay ipinalabas noong 2014 na nakasentro ang kwento sa dalawang students na kunwari ay may relasyon para pagselosin ang isang ex.

Sinundan ito ng “Crazy Beautiful You” sumunod na taon na tungkol naman sa isang rebeldeng teenager na ipinadala sa isang medical mission camp kung saan nakilala niya ang anak ng isang politiko na nagpa-ibig sa kanya.

Tungkol naman ang “Barcelona: A Love Untold” sa dalawang Pinoy na sinusubukang makalimot sa Spain subalit makakatagpo ng pag-ibig doon. Ipinalabas naman ito noong 2016 at kinilalang Best Picture sa 65th Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Awards.

Kwento naman ang 2017 romantic-comedy-drama na “Can’t Help Falling In Love” ng isang engaged na babae na nalamang kasal na pala siya sa isang stranger.

Samantala tampok naman sa “The Hows Of Us” ang kwento ng magkarelasyon na nangangarap ng magandang kinabukasan subalit haharap sa matinding pagsubok. Ginawaran ito ng Golden Jury award sa 50th Guillermo Box Office Entertainment Awards.

Gawa ng magagaling na Pinoy filmmakers at screenwriters, hatid ng mga pelikulang ito ang iba’t ibang kwento ng pagsisikap at pag-asa na tiyak na magbibigay inspirasyon para sa mga taga-India sa gagawing local adaptation.