Kung akala ng viewers happy ending na ang LolSie, tila mapupurnada pa ata ang pag-iisang dibdib nina Lolong (Ruru Madrid) at Elsie (Shaira Diaz).
Sa pagsugod ng mga masasamang tao sa kasal ng dalawa, nabaril si Elsie. Kaya naman ang dapat sanang masayang tagpo, nauwi sa trahedya.
Mabuti na lang at naligtas ni Lolong si Elsie gamit ang Ubtao – isang hiyas na sagrado sa lahi ng mga Atubaw at may kapangyarihang makapagpagaling ng iba’t ibang mga karamdaman. ‘Yun nga lang, nawalan ng alaala si Elsie.
Simula pa lang ito ng mga bagyong susuungin ni Lolong! Dahil ang hawak niyang Ubtao, nanakaw pa sa kanya ng kapwa Atubaw na si Nando (Nonie Buencamino). Pero ano ito, si Nando, nagpakilalang lolo ni Lolong?!
At sa kanyang pag-aagaw-buhay, makikita ni Lolong sa kanyang panaginip si Karina (Rochelle Pangilinan) na malalaman ni Lolong na buhay pa pala! Ano kaya ang mangyayari kapag nagharap na si Lolong at Julio (John Arcilla)? Babalik pa ba ang alaala ni Elsie? Abangan sa Lolong: Bayani ng Bayan pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Prime.