Muling magiging kapanapanabik ang weekends dahil mapapanood na ng sambayanan ang pagtuklas at paggabay nina Rockstar Royalty Bamboo, Asia’s Soul Supreme KZ Tandingan, at Philippines’ Concert King Martin Nievera sa mga kabataang nangangarap na maging sikat na mga mang-aawit sa “The Voice Kids” ngayong Sabado at Linggo (Peb 25 & 26).
Ayon kay Bamboo, na isa sa mga orihinal na coach ng programa, na excited siya sa bagong kabanata ng “The Voice Kids,” kung saan karangalan niyang maging coach kasama sina KZ at Martin.
“I do miss them [former coaches] a lot. Those were my guys as well. But I do look forward to this season. It is a new day,” ani niya sa isang panayam sa “TV Patrol.”
Handa na rin sina KZ at Martin para sa matinding hamon sa pagtutok sa mga bagong talent na balang araw ay magpapatuloy sa OPM brand.
“I have very big shoes to fill. Medyo, mabigat ‘yung responsibility,” pag-amin ni KZ.
Dahil isang talent search program ang “The Voice Kids,” kailangan ding harapin ng coaches ang unti-unting pamamaalam ng mga contestant sa bawat yugto ng kompetisyon na magiging mabigat sa kanilang mga puso.
“Everyone knows how soft my heart is so I am really preparing myself. I might bring an extra heart,” sabi ni Martin.
Samantala, magiging hosts naman sina Bianca Gonzalez at Robi Domingo ng bagong season na inilarawan ni Robi bilang “kakaiba, pero exciting.”
Nag-post naman sa social media si Bianca para ilabas ang kanyang nararamdaman ngayong bahagi na siya ng “The Voice Kids.”
“Still honestly incredibly surreal. Honored, happy, grateful, nervous, excited, halo-halo na,” pahayag ni Bianca sa kanyang Instagram.
Kabilang din sa mga bagong aabangan ng viewers ang pagiging hosts ng “The Voice Kids” DigiTV nina “The Voice Kids” season 2 champion Elha Nympha at “The Voice Teens” finalist Jeremy G na makikipag kwentuhan sa mga young artist.
Sinong “The Voice Kids” auditionees kaya ang magpapabilib kina coach Bamboo, KZ, at Martin sa blind auditions? Abangan sa “The Voice Kids,” kung saan pangarap ang puhanan at boses ng bulilit ang labanan, tuwing weekend sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, at iWantTFC tuwing 7 pm at sa TV5 (tuwing Sabado 7 pm, tuwing Linggo at 9 pm). Mag-subscribe rin sa YouTube channel ng “The Voice Kids Philippines” para sa updates.