Nakatakda na ang pagpapalabas ng inaabangang “Mars Ravelo’s Darna” sa telebisyon sa August 15 pero bago mangyari ito, ilang beses namataan ang Pinay iconic superhero na si Darna sa tuktok ng iba’t ibang malls.
Tweet ng fan page na @CertifiedKpmlya, “LOOK: From Robinsons Metro East, #Darna muling namataan sa Robinsons Place Antipolo. Sino nga ba ang hinahanap ni Darna sa Robinsons mall?”
Ibinahagi rin ng Go Rizal ang balita sa Facebook. “DARNA IS HERE? TINGNAN: Spotted ang isang indibidwal na ito na naka-costume ng Darna habang nasa itaas na bahagi ng isang mall sa Antipolo, Rizal,” ayon sa FB page nito.
Samantala, pinuri naman ni @PopeChromaticus ang gimik para sa inaabangang programa. Aniya, “The promo gimmick at Robinsons for #Darna is genius! I mean, the reference to the (debunked) encounter between Alice Dixson and the ‘taong ahas’ in one of its branches.”
Bukod sa Pasig at Antipolo, namataan din si Darna sa dalawang mall sa Quezon City.
Inilawan din ng Darna insignia o simbolo ang ilang gusali at istruktura sa Metro Manila kamakailan kasama na ang ABS-CBN transmitter at ELJ Tower, hudyat ng nalalapit na pagpapalabas ng bagong serye mula sa ABS-CBN Entertainment.
Pinangungunahan ni Jane De Leon ang “Darna” na naglunsad ng official trailer nitong Hulyo na umani na ng higit 9.3 million combined views sa Facebook, Twitter, at YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment.
Nitong Biyernes (July 22), naglabas din ito ng teaser na nagkumpirmang sa August 15 na ang TV premiere ng palabas. Pinangalanan din sa video ang cast members na sina Iza Calzado, Janella Salvador, Joshua Garcia, Zaijian Jaranilla, Paolo Gumabao, Rio Locsin, Richard Quan, Simon Ibarra, Jeffrey Santos, Eric Fructuoso, at Levi Ignacio.
Magkakaroon naman ng special participation sina Jeric Raval, Joko Diaz, at Joem Bascon sa seryeng mula kay Master Director Chito S. Roño, Avel Sunpongco at Benedict Mique.
Alamin ang latest sa “Darna,” sundan ang JRB Creative Production sa Facebook at Twitter @JRBcreativeprod at sa Instagram @JRBcreativeproduction. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.