Hanggang ngayon matunog pa rin ang naging selebrasyon ng kaarawan ni VP Leni Robredo na ginanap sa Pasay. Maliban sa pagpapakita ng puwersa, naging tampok din sa pagdiriwang ng kaarawan ni VP Leni ang pagdalo at paghahayag ng suporta ng ilan sa pinakamalalaking pangalan sa showbiz sa kanyang pagtakbo bilang pangulo.
Sa unang pagkakataon, dumalo sina Vice Ganda, Regine Velasquez, Janno Gibbs, Maricel Soriano at Gary Valenciano sa grand rally ni VP Leni noong Sabado na dinaluhan ng nasa 420,000 supporters.
Maliban sa kanila, dumalo rin sa event sina Sharon Cuneta, Ogie Alcasid, Julia Barretto, Andrea Brillantes, Bianca Gonzalez, Jolina Magdangal, Nikki Valdez, Cherry Pie Picache, Ogie Diaz, Mela Habijan at magkakapatid na sina Saab, Arkin at Elmo Magalona.
Nagpahayag naman ng suporta kay VP Leni ang mga young star na sina Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Liza Soberano at Donny Pangilinan sa pamamagitan ng video.
Nagtanghal si Gary Valenciano kasama ang anak na si Gab Valenciano habang umawit naman sina Ben & Ben, Bayang Barrios, Jona, Juan Karlos, Kerwin King, Imago, Celeste Legaspi, Jolina Magdangal, Rivermaya, Moonstar88 at sina Boboy Garovillo at Jim Paredes ng APO.
Nagsilbi bilang pinakamalaking sorpresa ang pagdalo ni Vice Ganda, na lumabas sa stage na naka-pink na gown at mahabang laylayan kung saan nakasulat ang “Leni Robredo is my president.”
“Ako po si Jose Marie Borja Viceral, kilala n’yo bilang Vice Ganda, naniniwala kay Leni Robredo,” wika ni Vice Ganda, na idinagdag pa na “sa gabing ito, opisyal kong ineendorso sa pagkapangulo si Leni Robredo.”
Iginiit ni Vice Ganda na panalo ang taumbayan at pamilyang Pilipino kapag nanalo si VP Leni sa halalan sa Mayo.
Nagbigay naman ng madamdaming talumpati sina John Arcilla, ang Venice Film Festival 2021 Best Actor, at si Angel Locsin kung saan binigyang diin nila ang kahalagahan ng panalo ni VP Leni para sa taumbayan.
“Ginagawa ito ni Leni Robredo hindi para sa kanyang sarili kundi sa bayan,” ani ni John.
“Ang pipiliin ko ay isang lider na sisiguraduhin na ang Malacañang ay para sa taumbayan,” sabi naman ni Angel.
Binanggit naman ni Maricel ang kanyang sikat na linyang “Huwag mo kong ma-Terry-Terry” mula sa pelikulang “Minsan Lang Kitang Iibigin” ngunit ginawa niya itong “Ang gusto ko, Leni! Leni! Leni!”
Sa Twitter, No. 1 trending topic sa Pilipinas at No. 6 sa buong mundo ang hashtag na #PasayIsPink.