Natuldukan na ang pangarap ni Kai Espenido na maging Big Winner matapos maging pangalawang teen evictee sa “PBB Kumunity Season 10.”
Nakakuha “Ang Brave Island Girl ng Siargao” ng 17.22 percent na boto, na mababa kumpara sa natanggap nina Stephanie Jordan na may 18.91 percent at Rob Blackburn na may 34.75 percent.
Isa kina Rob, Stephanie, at Stef naman ang uuwi sa susunod na Linggo (Abril 17) matapos silang mapabilang ulit sa listahan ng mga nominado. Nagkasundo ang tatlo na piliing iligtas ang mga kasamahang sina Dustine Mayores at Paolo Alcantara matapos bigyan ni Kuya ang Team Dustine ng kapangyarihang magpasya kung sino ang dalawang maliligtas at tatlong magiging nominado.
Naging ligtas naman sa naging nominasyon ang Team Luke na kinabibilangan nina Ashton Salvador, Eslam El Gohari, Gabb Skribikin, Maxine Trinidad, Tiff Ronato, at Luke Alford matapos makakuha ng pinakamabilis na oras sa paggawa ng weekly task.
Tuloy-tuloy din ang pagpapakita ng husay ng housemates dahil nagwagi ang Team Dustine at Team Luke sa paggawa ng tig-isang bangka na gawa sa water plastic bottles na matagumpay na lumutang at nakatawid sa pool habang lulan sila nito.
Samantala, usap-usapan ng netizens ang naging pagtutunggali ng housemates sa iba’t ibang subjects tulad ng Math, Language, History, at iba pa, kung saan hindi masyadong maalam ang ibang kabataang Pinoy sa ilang bagay kaugnay sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ani ng Philippine Social Conservative Movement sa kanilang Facebook page, “we thank ABS-CBN especially their show, Pinoy Big Brother, the host Robi Domingo, for exposing to us this bitter truth on the challenges which the Filipino youth are facing today and through their question on this game, we see the importance of history.” Dahil dito, sigaw ng ibang netizens na maging mas masigasig ang pagtuturo at pag-aaral ng kasaysayan.
“I think that there should be a collaborative effort for our educational system to reintroduce basic knowledge on our available social media platforms such as Tiktok, Facebook, and the like. Teachers should also require students to utilize these platforms for educational purposes,” komento ni Facebook user Sulaim Mohammad-Faiz.
Sino kaya ang uuwi sa Linggo? Ano na naman kaya ang hamon ni Kuya sa housemates? Abangan sa “PBB Kumunity Season 10” Teen Edition. Sundan ang official “PBB” social media accounts na @PBBabscbn sa Twitter at @PBBabscbntv sa Facebook at Instagram sa at manood ng “Kumulitan” sa @pbbabscbn sa Kumu ng 5:45 pm at “Kumunity G sa Gabi” ng 9 pm.
Tutok lang sa “PBB Kumunity Season 10” Teen Edition sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Jeepney TV, A2Z, iWantTFC, at TFC tuwing 5:45 pm mula Lunes hanggang Biyernes at ang replay nito tuwing 11:10 pm ng gabi. Eere naman ito tuwing 7 pm kada Sabado at Linggo. Abangan din ang dailly Kumulitan sa app.kumu.ph/pbbhouse.