Bibigyang-pugay ng ABS-CBN Film Restoration ang mga natatanging kontribusyon sa pelikulang Pilipino ang Star for All Seasons na si Vilma Santos sa ikalawang edisyon ng “Sagip Pelikula Spotlight” ngayong Abril.
Ang pelikulang “Karma” ni Ate Vi ang naging tampok na pelikula sa premiere. Palabas din ngayong Abril sa KTX.ph ang ilang mga restored na pelikula ni Ate Vi tulad ng “Haplos,” “Tag-ulan sa Tag-araw,” “Langis at Tubig,” at “In My Life” na may kasamang one-on-one interview sa nag-iisang Star for All Seasons kada pre-show ng bawat pelikula.
Ang “Sagip Pelikula Spotlight” ay nagpupugay sa mga indibidwal na may natatanging kontribusyon sa pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalabas ng kani-kanilang restored classics online.
Sa ikalawang edisyon nito, bibigyang pansin ang naging karera ni Ate Vi sa larangan ng showbiz, na kilala sa kanyang mga pelikula tulad ng “Lipad, Darna, Lipad!,” “Sister Stella L.,” “T-Bird at Ako,” “Anak,” “Dekada ‘70,” at iba pa.
Taos-pusong nagpasalamat si Ate Via sa Sagip Pelikula sa pagsasalba ng mga de-kalibreng pelikula sa mga nakalipas na dekada. Aniya, hindi lamang ito nagpamulat sa mga manonood ngayon sa mga makasaysayang obra kundi naipamalas din ang talento ng bawat Pilipino sa larangan ng industriya.
Sinimulan ang panibagong Spotlight series sa pagpapalabas ng digitally restored version ng kanyang 1981 hit na “Karma” sa direksyon ni Danny Zialcita.
Tampok sa pelikula ang kakaibang pag-iibigan nina Guada at Enrico at kung paano nila itinuloy ang kanilang pagmamahalan kina Sara (Vilma) at Eric (Ronaldo Valdez) sa ibang panahon.
Bagamat hindi naging kanais-nais ang unang pagkikita nina Sara at Eric at naging masalimuot ang relasyon nila sa kani-kanilang mga asawa, nagtagpo muli ang kanilang landas para ipagpatuloy ang nasimulang pag-iibigan nina Guada at Enrico na naudlot nang patayin sila ng mapaghimagsik na mister ni Guada na si Limbo.
Pinagbidahan din ito nina Tommy Abuel, Chanda Romero, Aurora Salve, Suzanne Gonzalez, Martha Sevilla, Odette Khan, Virginia Montes, Bella Flores, Etang Ditcher, Vic Silayan, Fred Montilla, Renato Robles, Ruel Vernal, Augusto Victa, Butz Aquino, Dante Rivero, Leila Hermosa, at Christopher de Leon.
Mapapanood na ngayon ang digitally restored version ng “Karma,” tampok ang exclusive interview kay Vilma Santos sa pre-show nito, sa KTX.ph.
Mabibili na ang mga ticket nito sa https://bit.ly/KarmaOnKTX sa halagang P150.
Ipinagdiwang ng ABS-CBN Film Restoration ang ika-10 taon nito ng pagsagip ng mga natatanging pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng proyekto nitong Sagip Pelikula. Tumanggap na ito ng ilang award tulad ng Gold Quill award mula sa International Association of Business Communicators (IABC), Gawad Pedro Bucaneg mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at kamakailan lang din ang Gawad PASADO sa Pagsisinop ng mga De Kalibreng Pelikula mula sa katatapos lang na 23rd Gawad PASADO ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO).