Nanguna sina Donny Pangilinan, Belle Mariano, Vice Ganda, Kim Chiu, at Jodi Sta. Maria sa mga personalidad at digital stars na kinilala sa ginanap na virtual awarding ceremony ngayong araw (Marso 4) para sa 7th Push Awards.
Ipinaramdam ng fans ang kanilang suporta sa kanilang mga idolo sa pamamagitan ng pagboto sa pitong kategorya sa push.abs-cbn.com/vote noong Enero 31 hanggang Pebrero 27. Sa unang pagkakataon, makakakuha ng espesyal na digital trophies ang mga nanalo sa pamamagitan ng NFTs o non-fungible tokens.
Patuloy ang pagpapakilig ng DonBelle sa kanilang fans dahil nanalo sila bilang Push Popular Love Team of the Year. Kinilala naman sina Vice Ganda at Kim Chiu bilang Push Social Media Personality of the Year at Push Content Creator of the Year para sa paghahatid nila ng inspirasyon at good vibes sa online world.
Panalo naman si Jodi Sta. Maria sa kategoryang Push Favorite Onscreen Performance of 2021 para sa kanyang pagganap bilang Marissa sa “Ang Sa Iyo Ay Akin,” habang nagwagi ang breakout P-pop group na BGYO bilang Push Music Personality of the Year.
Para sa Push Inspiration Award 2021, kinilala ng Push management ang atletang si Hidilyn Diaz sa pagdala niya ng karangalan sa mga Pilipino bilang kauna-unahang Olympic gold medalist ng bansa.
Samantala, si Anne Curtis ang nanalo mula kina Elisse Joson, Janella Salvador, Andi Eigenmann, at Dimples Romana sa kategoryang Push Celebrity Mom of the Year, habang pinarangalan ang online sensation na si Esnyr Ranollo bilang Push Trending TikToker of 2021.
Nasa ikapitong taon na ang Push Awards kung saan kinikilala ang mga sikat na online personalities na ginagamit ang kanilang plataporma sa tamang paraan. Para sa latest entertainment news, bisitahin ang PUSH.com.ph.