Sa pag-arangkada ng official campaign period para sa “Halalan 2022,” mas lalo ring umiinit ang usapan ng mga Pilipino mula sa iba’t-ibang henerasyon sa “POV:XYZ” podcast ng ABS-CBN News kasama sina Tony Velasquez at Danny Buenafe.
Sa pinakahuling episode nito na pinamagatang “Halalan 2022: The Race is On!” hinimay nina Tony V at Danny B ang mga paandar at stratehiya ng mga kandidato sa kanilang panliligaw sa mga botante sa kani-kanilang campaign rallies.
Kabalitaktakan nila rito si Gen X campaign strategist Alan German, si Gen Y political scientist Cleve Arguelles, at ang Gen Y co-founder ng YouVote: A Voters’ Registration and Education Campaign na si JM Suelo.
Tinalakay nila rito ang mga karaniwang gimmick tuwing campaign season tulad ng pamimigay ng collaterals o giveaways, ang pag-awit o sayaw ng mga kandidato sa entablado, ang maiinit na talumpati tuwing campaign rally, maging ang paglahok o pag-iwas sa mga debate.
“Sadly ang Filipino voter, we’re very prone to tinatawag nating D.E.A.N., Delight, Entertain, Amuse, and make Noise. ‘Yan ang pinipili nating kandidato. Who can delight us the most, who entertains us the most, who amuses us the most, and who is making the most noise,” pagbahagi ni Alan sa kanilang obserbasyon sa mga botanteng Pilipino.
Hirit naman ni Cleve, mahalagang ma-expose kung may nagsisinungaling sa mga kandidato ngunit obserbasyon nila sa mga botanteng Pilipino ay hindi nila gusto ang tinatawag na negative campaigning. “In fact, kaya nga rin risky ‘yung participation sa debates. You go all in then come out as a very negative candidate then you also lose support from among the voters,” paliwanag niya.
Pagdating naman sa mga survey, sabi ni JM na may maitutulong ito sa mga kandidato mismo, maski sa mga nahuhuli sa listahan. “As for me, this serves as a challenge for the presidentiables and for the candidates to really step up their game din po when it comes to their campaign. So double the efforts talaga and double time kung gusto talagang manalo for the elections,” aniya.
Ngayong Huwebes (Marso 3) naman sa ika-10 episode ng podcast, makakasama nina Tony at Danny si Gen X Dir. James Jimenez ng Commission on Elections (COMELEC) at Gen Y Johnny Rosales ng Boto ng Kabataan para linawin ang campaign guidelines at tukuyin ang mga paglabag na nagawa ng mga kandidato sa kanilang campaign rallies.
Pakinggan ang bagong episode na ito at iba pang naunang episodes ng “POV:XYZ” sa Spotify, ABS-CBN News App, at ABS-CBN Radio Service App. Abangan sa ABS-CBN News Instagram account ang espesyal na videos hango sa episodes. Maaari ring magpadala ng komento ang suhestiyon ang mga tagapakinig sa anchor.fm/pov-xyz/message or [email protected] o mag-tweet gamit ang hashtag na #ABSCBNPOVXYZ.