in

Ernie Lopez at Sagip Kapamilya, naghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng Odette sa Cebu at Bohol

Bumiyahe kamakailan si “G Diaries” host Ernie Lopez kasama ang Sagip Kapamilya team sa mga malalayong isla ng Bohol at Cebu upang makapag-abot ng tulong sa mga pamilyang hindi pa nakakabangon mula sa pagragasa ng bagyong Odette.

Sinundan ng “G Diaries” ang paglalakbay at ang personal na pagsasalaysay ni Ernie, na siya ring director for advocacy ng ABS-CBN Foundation, sa tatlong special episodes ng programa na pinamagatang “Operation Odette: Isang Daan sa Pagtutulungan.” Mapapanood ang unang episode ngayong Linggo (Marso 6).

Ang bagyong Odette, na tumama sa Pilipinas noong Disyembre 16, 2021, ay ang pinakamalakas na bagyo nitong mga nakaraang taon, pangalawa lamang sa Yolanda noong 2013. Ito ay nakaapekto sa 1.4 milyong Pilipino at umabot sa P 40.8 bilyong halaga ng pinsala sa agrikultura, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Nasaksihan ni Ernie na matapos ang tatlong buwan, may mga pamayanan sa isla sa Bohol na wala pa ring kuryente at tubig. Maraming residente pa rin ang walang trabaho at walang tirahan dahil hindi nila kayang maayos ang kanilang mga nagibang mga tahanan.

Nakapag-abot din ng home repair kits sa 300 na mga pamilya ng Loon, Bohol si Ernie, kasama ang Sagip Kapamilya, ang programa ng ABS-CBN Foundation na agarang tumutugon sa mga sakuna. Bawat home repair kit ay may G.I. sheets, plywood, sari-saring pako at iba pang construction materials. Nag-volunteer din si Lopez na tumulong sa mga karpinterong magkabit ng mga pader at bubong.

Mula nang inilunsad ang Operation Odette, nakapag-abot na ang ABS-CBN Foundation ng relief packs sa may 203,110 na mga pamilya, dahil sa suporta na cash at in-kind donations ng mga sponsors at donors. 

Ngunit marami pa rin ang mga pangangailangan dahil marami pa ring mga pamilya ang walang tahanan, walang kabuhayan at nagkukulang sa pagkain, ayon kay Earl Bacabac, program head ng Sagip Kapamilya.

Hangad ng ABS-CBN Foundation na sa pamamagitan ng special episodes na ito ng “G Diaries” ay lumaganap pa ang kamalayan ng lahat ukol sa kalagayan ng mga naapektuhan, at patuloy na tumulong sa pagbangon ng mga nasalantang komunidad.   

Mapapanood ang “G Diaries” sa Linggo sa Kapamilya Channel ng 9 am at Kapamilya Online Live ng 8:30 am.

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Jake Cuenca, kinampihan si Charlie Dizon sa ‘Viral Scandal’

BGYO, may handang anniversary treat live na live sa ‘ASAP Natin ‘To’