in

Jonathan Manalo ng ABS-CBN, magsisilbing hurado sa Uplive Worldstage Global Singing Competition

Sina ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo at P-pop groups na BINI at BGYO ang kakatawan sa Pilipinas sa taunang global singing competition na Uplive WorldStage ng Uplive, ang pinakamalaking video social entertainment platform sa mundo.

Magsisilbing hurado si Jonathan sa grand finals ng prestihiyosong kumpetisyon na gaganapin sa Enero 23, kung saan makakasama niya ang mga kapwa huradong sina Emmy and Grammy award winner Paula Abdul, Grammy- and Oscar-winning composer Nathan T. Wang, dating Radio Disney VP na si Ray De La Garza, Grammy-nominated producers na sina Willie Baker at Chris Rosa, ang World Madam Global chairwoman na si Lisa Chen, at ang sikat na Chinese singer na si Sisi Zhang.

“Lubos akong nagpapasalamat sa pambihirang pagkakataong maimbitahan bilang hurado sa global event na ito. Isang napakalaking karangalan na maibandera ang OPM sa isang international competition kung saan binibida ang talento ng mga singer mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo,” pahayag ni Jonathan, isang multi-awarded na songwriter, composer, arranger, at record producer.

Sa loob ng 20 taon niya sa industriya ng musika, nakapagprodus at nakapaglabas na si Jonathan ng higit sa 200 albums, at nakatanggap ng 75 multi-platinum at 100 gold certifications mula sa Philippine Association of the Record Industry (PARI). Siya rin ang nasa likod ng mga album at awitin ng ilan sa pinakamalalaking OPM artists, gaya nina Erik Santos, Piolo Pascual, Juris, Toni Gonzaga, Jed Madela, KZ Tandingan, Inigo Pascual, Yeng Constantino, at Moira De La Torre.

Samantala, mapapanood din ang BINI at BGYO sa Uplive WorldStage grand finals, na mapapanood sa Uplive app, pagkatapos ng matagumpay na 2021 nila na minarkahan ng paglabas ng kani-kanilang debut album, una nilang sibling concert, at kauna-unahan nilang international performance sa Dubai.

Ang ABS-CBN ang opisyal na media partner ng Uplive WorldStage. Abangan ang grand finals nito sa Uplive app ngayong Enero 24, 10 AM Philippine time, at mapapanood muli sa digital platforms ng ABS-CBN na iWantTFC pati na sa Facebook page at YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment.

Ipapalabas 24/7 araw-araw ang isang buwang kumpetisyon, kasama na ang head-to-head PK battles at ang “party mode” tampok ang mga mentor, mga hurado, at mga manonood. Makakatanggap ang top 100 finalists ng talent host contracts mula sa Uplive. Magkakaroon ng dalawang winners – isang overall winner na pipiliin ni Paula Abdul at isang “People’s Choice” winner na kokoranahan ng judges at viewers. Ang parehong winners naman ay mananalo ng $5,000, isang virtual mentoring session kasama ang iba’t ibang industry leaders, recording contract, at awiting likha ng Grammy-nominated producers. May pagkakataon ding mag-record at sumama ang Uplive WorldStage winners sa Uplive Boy Bands o Girl Bands sa pakikipagtulungan nito sa KDS studios, na nakapagprodus na ng album para kina Justin Timberlake, NSYNC, Usher, at Christina Aguilera.

Tampok naman sa singing competition ang mga kalahok mula sa 150 rehiyon sa buong mundo. Dalawa sa kanila ang papangalanang winner – isa ang magiging overall winner na pipiliin ni Paula, samantalang ang “People’s Choice” winner ay pagbobotohan ng ibang judges, kasama na si Jonathan, at ng mga manonood.

Ang Uplive WorldStage ay inoorganisa ng Uplive, ang pinakamalaking independent global video social entertainment platform na may higit sa 260 milyong registered users mula sa 150 bansa.

Tutukan ang kumpetisyon at bisitahin ang https://www.upliveworldstage.com/

Written by Mari Thess

Leave a Reply

Your email address will not be published.

Angela Ken, nagpakatotoo sa bagong kanta na ‘It’s Okay Not to Be Okay’

Mga natulungan ng Operation Odette ng ABS-CBN Foundation, lagpas na sa 90,000 na Pamilya