May bagong tagapaghatid ng impormasyon ukol sa lagay ng panahon sa “TV Patrol” at ito ay si ABS-CBN News weatherman at resident meteorologist Ariel Rojas.
Sumabak agad sa kanyang unang ulat-panahon bilang isang Kapamilya si Ariel noong Lunes (Disyembre 13) matapos siyang ipakilala ng “TV Patrol” anchor na si Henry Omaga-Diaz sa mga manonood.
Bumuhos naman ang suporta para kay Ariel mula sa mga mamamahayag, staff, at crew ng ABS-CBN News. Kasama na rito ang “TV Patrol” anchors na sina Karen Davila at Bernadette Sembrano.
“ABS-CBN News Head Ging Reyes personally welcomed Ariel on his first airing day! Naiyak ang tatay ni Ariel habang pinapanood siya sa TV! So happy for your big break, Ariel,” ani Karen.
Si Bernadette naman nagpaabot ng pagbati kay Ariel sa kanyang Instagram.
Aniya, “A warm welcome to our new weatherman, meteorologist @arielrojasph. Follow his page and see how passionate he is about the weather. Full support kami sa kaniya. Proud of our lean and mean family!”
Nagpasalamat naman si Ariel sa mainit na pagtanggap sa kanya ng ABS-CBN at publiko.
“Thank you, everyone, for the overwhelming support and well wishes! Sorry, ‘di ko kayo maiisa-isa, but know that I am deeply humbled and challenged to do well. Ma, I hope you’re smiling up there,” tweet ni Ariel.
Ayon naman kay ABS-CBN News head Ging Reyes, mahalaga ang papel ni Ariel bilang resident meteorologist.
“Importante na maihatid ang wastong impormasyon tungkol sa panahon sa mga Pilipino nang mabilisan upang maligtas sila sa peligro. Makikinabang ang ating mga Kapamilya sa paglilingkod ni Ariel gamit ang kanyang husay at kaalaman sa larangan na ito,” pahayag ni Reyes.
Nagsilbi si Ariel bilang weather specialist ng PAGASA sa loob ng apat na taon, kaya naman hindi na bago sa kanya ang maglingkod sa bayan. Nakapagtapos siya ng kursong Food Technology sa Unibersidad ng Pilipinas at kumuha ng Master’s Degree sa Meteorology sa UP bilang iskolar ng PAGASA.
Sa isang artikulo sa news.abs-cbn.com, ibinahagi ni Ariel na lubos niyang naiintindihan ang kahalagahan ng impormasyon sa panahon dahil lumaki siya sa Catanduanes na laging natatamaan ng bagyo.
“’Yung aftermath, ’yung 2 months na wala kayong kuryente, ’yung 2 months na nakasalalay kayo sa relief goods, or walang supplies sa tindahan, so kailangan onti lang ang kinakain. Doon ako nakaka-relate sa mga dinadaanan ng bagyo. Kasi na-experience ko ’yun at a very young age,” aniya.
Abangan ang ulat-panahon na hatid ni Ariel Rojas at iba pang balita at impormasyon mula kina Henry Omaga-Diaz, Karen Davila, Bernadette Sembrano, Gretchen Fullido, Boyet Sison, Marc Logan, at Winnie Cordero para sa mga Pilipino saan man sa mundo gabi-gabi ng 6:30 pm sa “TV Patrol.”
Manood sa Kapamilya Channel, TeleRadyo, ANC, Kapamilya Online Live, iWantTFC, news.abs-cbn.com, ABS-CBN News YouTube channel, at ABS-CBN News App, o makinig sa ABS-CBN Radio Service App.