Handang suungin nina Andrei at Camille (Paulo Avelino at Janine Gutierrez) ang anumang balakid sa kanilang relasyon ngayong magpapakasal na sila sa “Marry Me, Marry You,” na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
Suportado ng pamilya ni Camille ang pagpapakasal ng dalawa ngunit kailangan pang kumbinsihin ni Andrei ang tatay nitong si Emilio (Edu Manzano) na walang masamang intensyon si Camille, para tuluyan nang magkaayos ang kanilang mga pamilya.
Sa kabila ng alitan nina Andrei at Emilio, unti-unti namang lalambot ang puso ni Emilio sa anak dahil makikipag-usap si Andrei sa kanya nang masinsinan. Dahil dito, magdedesisyon na rin si Emilio na huwag ituloy ang plano niyang tanggalan ng mana si Andrei.
Habang nagkakaroon ng pag-asang matanggap na ni Emilio ang pamilya ni Camille, kabaligtaran naman ito sa kagustuhan ng step-mom ni Andrei na si Laviña (Teresa Loyzaga). Napapraning kasi si Laviña dahil naniniwala siyang hihiwalayan siya ni Emilio upang makipagbalikan sa ex nitong si Elvie (Cherry Pie Picache), ang totoong nanay ni Andrei at ninang din ni Camille.
Kumplikado rin ngayon ang buhay ng ninang ni Camille na si Paula (Sunshine Dizon) dahil nagpapakamartir ito sa pag-ibig sa ngalan ng kanyang anak na si Koleene (Analain Salvador). Ipinapaubaya na kasi ni Paula ang mas bata niyang manliligaw na si Luke (Fino Herrera) kay Koleene, na walang kamalay-malay sa love life ng ina, pagkatapos niyang malaman na mahal na rin ng kanyang anak ang binata. Pero magkakasamaan ng loob ang mag-ina dahil mahuhuli ni Koleene sina Paula at Luke na magka-holding hands.
Handa na bang tanggapin ni Emilio si Camille sa kanilang pamilya? Paano aayusin nina Paula at Koleene ang kanilang problema?
Subaybayan ang “Marry Me, Marry You” gabi-gabi tuwing 8:40 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z.
Mapapanood din sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV ang “Marry Me, Marry You,” na nakasama sa listahan ng mga pinakapinapanood na TV programs sa multicultural Asian homes sa U.S. noong Setyembre. Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.