Mangyayari na ang pinakahihintay na paglabas ng nag-iisang Megastar Sharon Cuneta sa isang Kapamilya teleserye dahil malapit na siyang mapanood gabi-gabi sa “FPJ’s Ang Probinsyano,” ang longest-running action-drama series sa bansa na nagdiwang kamakailan ng ikaanim na anibersaryo.
Bilang pormal na pagsalubong kay Mega sa serye, nagkaroon siya ng red carpet welcome sa ABS-CBN ngayong araw (Nobyembre 9) kasama ang ABS-CBN COO of broadcast na si Cory Vidanes, TV production head na si Laurenti Dyogi, Dreamscape Entertainment head na si Deo Endrinal, at ang “FPJAP” star, director, at creative director na si Coco Martin.
Sinundan ito ng pagdalo ni Mega sa isang story conference kasama sina Coco at iba pang mga direktor ng serye na sina Albert Langitan, Kevin de Vela, John Prats, at Malu Sevilla para pag-usapan ang magiging papel niya.
Ang pagpasok ni Mega sa “FPJ’s Ang Probinsyano” ang isa sa mga pinakainabangan, pinakapinag-usapan, at pinakahinintay na balita ng Kapamilya fans lalo na’t maraming mga bituin na ang naging bahagi ng show sa nakalipas na anim na taon.
Ito rin ang isa sa mga pinakamalaking sorpresa ng anniversary celebration ng “FPJAP” sa patuloy nitong paghahatid ng de-kalidad na entertainment at mahahalagang aral gaya ng pagmamahal sa pamilya at komunidad sa bawat pamilyang Pilipino saan man sa mundo.
Ano ang magiging papel ni Megastar sa serye? Siya ba ang bagong karakter na tutulong kay Cardo (Coco), o ang bagong kalabang gabi-gabing panggigigilan ng mga manonood?
Patuloy na gumagawa ng kasaysayan ang “FPJ’s Ang Probinsyano” sa ikaanim na taon nito bilang ang unang Pinoy teleserye na ipinalabas sa YouTube, kung saan paulit-ulit nitong sinira ang sarili nitong live viewership record na umabot sa all-time high na 162,831 concurrent viewers. Nagkamit na rin ito ng higit sa 100 awards mula sa iba’t ibang award-giving bodies, at patuloy na sinusundan sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng Netflix at The Filipino Channel at sa ibang mga bansa gaya ng Vietnam, Myanmar, Laos, Thailand, at 41 bansa sa Africa.
Abangan ang paglabas ni Megastar Sharon Cuneta sa “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, WeTV, at iflix. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “FPJ’s Ang Probinsyano.” Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.