Agad na nadama ng mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Maring sa hilagang Luzon ang pag-aalaga at malasakit ng mga kababayang Pilipino dahil sa tulong na hinatid ng ABS-CBN Foundation.
Nasa 6,581 na pamilya o 34,255 na indibidwal mula sa walong bayan sa apat na probinsyang matinding nasalanta ng bagyong Maring ang naabutan ng pagkain at iba pang mga ayuda ng Sagip Kapamilya ng ABS-CBN Foundation.
Napadapa ng bagyong Maring ang maraming pamilya. Naanod ang mga alagang hayop at labis ang pinsala nito sa palayan na isa sa pangunahing pangkabuhayan ng mga residente.
“Marami sa amin ‘yung kambing halos 400. Ang palayan halos 80 percent, totally damaged,” kwento ng punong-barangay ng Barangay Ronda na si Romualdo Salgado sa “TV Patrol.”
Dagdag pa ng magsasakang si Delfin Helera, nababad sa tubig ang gadgets na gamit ng kanyang nga anak sa online class dahil ginamit nila itong ilaw noong kasagsagan ng bagyo.
Kung hindi dahil sa donors, partners, at supporters ng ABS-CBN Foundation, hindi magiging possible ang agarang pag-responde sa mga nabiktima tulad nina Romualdo at Delfin.
Samantala, umarangkada na rin ang Pantawid ng Pag-ibig Pasko para sa Pilipino, kung saan maaaring ialay bilang regalo ang mga donasyon sa mga programa ng ABS-CBN Foundation na makakatulong sa mga nangangailangan o sa pangangalaga sa kalikasan. Pwedeng mamili ng iba’t ibang voucher para sa donasyon na makikita sa paskoparasapilipino.com.
Para sa ibang balita tungkol sa ABS-CBN, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.