Makapanindig-balahibong kilig at katatakutan ang libre sa ABS-CBN Superview ngayong Oktubre sa bago nitong listahan ng mga mapapanood na pelikulang may English subtitles at nakakapangilabot na ABS-CBN shows sa YouTube.
Ipinapalabas ang buong episodes ng classic Kapamilya shows na magpapatayo sa balahibo ng viewers, gaya ng “Nginiiig” ni Raymond Bagatsing at “Verum Est! Totoo Ba Ito?” ni Tony Velasquez. Sa parehong shows, kasama nila ang mga eksperto para imbestigahan ang mga kababalaghan sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
Mababalikan din ang mga pinakanakakatakot na episodes ng “Magandang Gabi Bayan” Halloween special ni Kabayan Noli De Castro tungkol sa white lady, multo, kaluluwa, aswang, kulam, sanib, at iba pa na siguradong magpapasigaw sa viewers.
Malalim na hugot tungkol sa mga magkaibigang nagkaibigan ang makukuha sa “To Love Some Buddy” nina Zanjoe Marudo at Maja Salvador, at sa “Can We Still Be Friends?” nina Gerald Anderson at Arci Munoz.
Manggugulat naman sa takot sina Vilma Santos at Kim Chiu sa “The Healing,” pati sina Angelica Panganiban at Vhong Navarro sa horror-comedy movie na “Bulong.”
Ngayong Oktubre 24 naman mapapanood nang libre sa YouTube ang “Bloody Crayons,” tungkol sa magbabarkadang iisa-isahing papatayin ng isang killer sa isang malayong isla. Kasabay na ilalabas ang buong pelikula sa bagong episodes ng online show na “Secret Movie Files” kung saan ibubulgar ng production team, ni Direk Topel Lee, at mga bidang sina Janella Salvador, Jane Oineza, Maris Racal, Yves Flores, at Ronnie Alonte ang mga sikreto kung paano kinunan ang mga eksena sa pelikula.
Magkahalong aksyon at katatawanan naman ang hatid nina Arci, Jessy Mendiola, at Coleen Garcia sa “Extra Service,” kung saan magpapanggap silang mga masahista habang kinukumpleto ang mahalagang misyon nila bilang secret agents.
Mae-enjoy pa ang mga ito at maraming pang iba sa ABS-CBN Superview kapag nag-subscribe sa YouTube channels ng ABS-CBN Entertainment, Star Cinema, Black Sheep, at ABS-CBN News.