Binigyang-linaw ni Ruru Madrid na hindi iikot ang kuwento ng “Lolong” sa buhay ng tinaguriang world’s largest crocodile na may parehong pangalan sa title ng pagbibidahan niyang GMA Telebabad series.
Sa isang panayam, sinabi ng Kapuso actor na may mas malalim pang tatalakayin ang sinasabing biggest adventure series ng taon.
Pangalan ng karakter ni Ruru sa serye ang Lolong na isang tao habang Dakila naman ang pangalan ng 22-feet na animatronics na buwayang magiging kaibigan niya.
Mas tututukan daw ng Lolong ang mga nangyayari sa ating kapaligiran tulad ng climate change, global warming, at ang pagkaubos ng mga hayop lalo na sa Pilipinas.
In a way nga raw, sa paggamit ng Lolong bilang title ng series, ay nagsisilbi itong pagkilala sa pinakamalaking buwayang natagpuang buhay at sa Pilipinas pa nga ito nadiskubre.
Marami tuloy ang nagsasabing malamang na isa na namang socially-relevant series ang proyetong ito na produced ng GMA Public Affairs. Tatak na raw kasi ito ng nasabing team na siya ring nasa likod ng “Naku, Boss Ko!” at “TODA One I Love” na parehong pinagbidahan din ni Ruru noon. Ang last na seryeng produced ng GMA Public Affairs na “Owe My Love” umikot din sa financial literacy. Tiyak na maraming dapat abangan sa Lolong, kasama na ang iba pang artistang pasok sa serye tulad nina Shaira Diaz at Arra San Agustin.