“Andito kami para sa’yo” ang mensahe ng ABS-CBN Foundation, mga donor, at volunteer nitong agad naghatid ng tulong sa mga Pilipinong apektado ng muling pag-aalboroto ng bulkang Taal.
Upang iparamdam sa mga apektadong Kapamilya na hindi sila nag-iisa sa panibagong hamon, namahagi ang Foundation sa Tanauan City, Nasugbu, Laurel, at Balete sa Batangas ng food packs, hygiene kits, vitamins, at Ligtas Bags na laman ang mga mahahalagang bagay kapag may emergency.
Isa sa mga natulungan si Angelina Reyes ng Nasugbu. Kwento niya sa “TV Patrol” na silang mag-anak ay walang nadalang damit nang lumikas sa evacuation center kaya puro galing sa donasyon ang kanilang suot-suot ngayon.
Dagdag pa ni Angelina, kumpara noong pagsabog ng Taal noong isang taon, mas nadagdagan ang kanyang takot dahil sa pandemya.
“Ngayon kaya kami takot dahil pandemic ngayon, ang mga bata natatakot ako dahil baka magkasakit,” aniya.
Sa muling pagbubukas ng kampanyang “Tulong-Tulong sa Taal,” hinihikayat ang mga Pilipino na magmalasakit para sa mga tulad ni Angelina.
Sa mga gustong magbahagi ng kaunting tulong, tumatanggap ang ABS-CBN Foundation ng cash donations via Gcash at Paymaya. I-scan lamang ang QR code na matatagpuan sa ABS-CBN Foundation Facebook page. Pwede ring magbigay ng donasyon sa pamamagitan ng Cebuana Lhuillier. Ilagay lamang ang ABS-CBN Foundation bilang receiver sa remittance form.
Patuloy ding tumatanggap ng donasyon ang Foundation sa BDO (0039302-14711) at BPI (4221-0000-27) peso savings accounts nito. Meron ding food pack at Ligtas Bag vouchers ang “Tulong-Tulong sa Taal” sa Lazada at Shopee.
Napapanood din ang kwento ng kalagayan ng mga kababayan nating apektado ng Taal sa mga ulat sa “TV Patrol.” Para sa ibang detalye, bisitahin ang Facebook page ng ABS-CBN Foundation (@abscbnfoundationinc).
Para sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom