Iba’t ibang kwento ng pagmamahal na nagbibigay pag-asa sa mga manonood ang pagbibidahan nina Iza Calzado, Heaven Peralejo, at Zaijian Jaranilla ngayong Hulyo sa “MMK.”
Abangan ang pagbabalik-“MMK” ni Zaijian Jaranilla sa kanyang pagganap bilang si Andy, isang Nursing student na humarap sa masaklap na hamon ng buhay – ang pagkakasakit ng ina at dalawang kapatid ng chronic kidney disease. Alamin kung paano niya at ng kanyang ama na si Abe (Nonie Buencamino) malalampasan ang sunod-sunod na problema sa two-part special na nagsimula nitong Hulyo 3.
Sa darating naman na Hulyo 17, balikan ang kwentong pag-iibigan nina Tim at Jung Won na pinagbidahan nina Ejay Falcon at Sunshine Kim. Kahit naging malaking pagsubok sa kanila ang pagkakaiba ng kulturang kinalakihan, papatunayan nila na mas mananaig ang kanilang pagmamahalan sa isa’t isa.
Samantala, tunghayan ang buhay ni Julie (Heaven), isang dalaga na swinerteng magkaroon ng dalawang inang nagsilbing gabay sa kanya, ngayong Hulyo 24. Labis ang paghanga ni Julie sa kanyang inang si Caridad (Iza Calzado) na naging protektor niya laban sa kanyang mapang-abusong ama. Ngunit mag-iiba lang ang lahat nang magkaroon ng Schizophrenia si Caridad.
Dahil naiwan sa kanya ang responsibilidad ng ina, kamumuhian ni Julie si Caridad. Sa pagdating naman ni Esther (Shamaine Buencamino) sa buhay ni Julie, unti-unting mahahanap ni Julie ang pagmamahal sa ina.
Magpapakilig namang muli ang kwentong pagmamahalan nina Emman (Joem), isang janitor at ni Maricar (Denise), ang kanyang boss. Paanoorin kung paano magpupursige si Emman para makamit ang buhay na inaaasam para sa kanilang mag-asawa.
Bukas ang “MMK” sa mga kwento ng viewers. Sa mga gustong mag-submit ang kanilang kwentong #MMK, maari silang magpadala ng email sa [email protected], bisitahin ang mmk.abs-cbn.com, o magsend ng private message sa Facebook, Instagram, o Twitter ng “MMK.”
Mapapanood ang “MMK” tuwing Sabado, 8:30 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live YouTube channel, ABS-CBN Entertainment Facebook page, at iWantTFC. Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o visitwww.abs-cbn.com/newsroom.