May bagong game show na tiyak kakagiliwan ng mga mahihilig sa showbiz. Manood, makisaya, at makisali sa “Showbiz Play Pa More” ng Jeepney TV na mapapanood din sa kumu app tuwing Lunes, simula 6 pm ngayong gabi.
Si DJ Jhai Ho ang magho-host sa show na dati ring host ng showbiz-oriented program na “Showbiz Pa More.” Sa SPPM, two-in-one ang saya dahil pwedeng maglaro at manalo ang mga manonood ng hanggang P15,000 sa digital interactive game show segment na ‘Showquiz Pa More,’ at suportahan ang mga paborito nila sa ‘KGS: One Minute of Fame’ segment.
Magpapagalingan sa pagsagot ng showbiz-related na tanong sa loob ng apat na round ang livestream viewers sa ‘Showquiz Pa More,’ kung saan makakasama ang featured celebrity guest kada episode sa huling round na siguradong mas magpapasaya sa laro.
Sa ‘KGS: One Minute of Fame’ naman, mabibigyan ng pagkakataon ang top 16 official contenders ng “Kumu’s Greatest Show (KGS)” campaign, kung saan pwedeng magpakita ng suporta ang fans sa bawat contender sa pamamagitan ng pagse-send ng SPPM virtual gifts sa kanilang public video livestreams sa kumu. Pagkatapos ng magkakasunod na elimination rounds sa July at August, papangalanan ang KGS final four na maglalaban-laban para maging kauna-unahang KGS grand champion na mananalo ng P100,000.
Samantala, matutuwa naman ang mga fans ng “Meteor Garden” dahil mapapanood uli sa Jeepney TV ang minahal na classic Asianovela mula Lunes hanggang Biyernes simula June 21, 4:35pm. Balikan ang istorya ng F4 at ni Dong Shan Cai, ang love triangle niya kasama si Dao Ming Si at Hua Ze Lei, at ang paglaban niya para sa tunay na pag-ibig.
Panoorin ang premiere ng “Showbiz Play Pa More” simula Lunes (June 21), 6 pm sa FYE Channel sa kumu at sa Facebook ng Jeepney TV. Magkakaroon din ng catch-up replays ang SPPM kada Sabado simula sa June 26, 8 pm sa Jeepney TV sa cable at sa YouTube channel ng Jeepney TV.
Mapapanood ang Jeepney TV sa SKYcable channel 9, GSAT channel 55, Cignal channel 44, at sa iba pang major provincial cable systems nationwide. Sundan ang Jeepney TV sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, mag-subscribe sa kanilang YouTube channel.