Sumailalim sa iba’t ibang workshops at consultations si Kapuso actor Ken Chan para sa role niyang may Dissociative Identity Disorder (DID) sa upcoming Afternoon Prime series na “Ang Dalawang Ikaw.”
Hindi na bago para kay Ken ang magbigay-buhay sa ilang challenging roles kagaya na lang ng isang transgender sa Destiny Rose at person with mild autism sa My Special Tatay.
Muling masusubok ang husay sa pag-arte ni Ken sa Ang Dalawang Ikaw kung saan gaganap siya bilang si Nelson, ang butihing asawa ni Mia (Rita Daniela), at Tyler, ang gun dealer na fiancé ni Beatrice (Anna Vicente).
Pag-amin ni Ken, magkahalong kaba at excitement ang kanyang naramdaman nang unang matanggap ang balitang gagampanan niya ang karakter ng taong may DID o split personality.
At dahil tumatalakay sa issue ng mental health ang naturang serye, masusing pagre-research, workshops, at consultations daw ang pinagdaanan ng aktor upang paghandaan ang kanyang karakter.
Aniya, “I really needed a workshop dahil hindi madali ang gagawin ko at tulad nga nang sinabi ko, sensitibo talaga ang role na ibinigay sa akin at gusto ko na tama ang mensahe na mapapanood ng Kapuso viewers.”
“At higit sa lahat, napakalaking bagay din sa akin na andiyan si Dra. Babes Arcena na isang Psychiatrist. Ipinaliwanag niya sa akin ang mga pinagdadaanan ng mga taong may DID at lagi siyang nandiyan para i-guide ako sa mga gagawin kong eksena,” kwento pa ni Ken.
Abangan ang natatanging pagganap ni Ken sa Ang Dalawang Ikaw, soon, sa GMA Afternoon Prime.