Pormal nang inanunsyo ng ABS-CBN Entertainment ang unang teleseryeng pagbibidahan ni Janine Gutierrez bilang isang Kapamilya, ang light family drama series na “Marry Me, Marry You” kung saan makakatambal niya si Paulo Avelino.
Ito ang unang TV project na pagsasamahan nina Paulo at Janine kung saan bibigyang diin ang kaugaliang kapag ikakasal sa taong minamahal ay kailangan ding pakasalan ang pamilya, mga kaibigan, at mga taong malapit sa kanya.
“Sobrang excited na ako para sa ‘Marry Me, Marry You’! So honored to work with this stellar cast at hindi na ako makapaghintay na maibahagi sa mga Kapamilya ang nakakakilig at nakaka-inspire na kwentong ito,” pahayag ni Janine.
Dadagdag naman ng kinang sa “Marry Me, Marry You” ang pinakabagong Kapamilya star at award-winning actress na si Sunshine Dizon. Ito rin ang pinakaunang teleserye ni Jake Ejercito na gaganap bilang ka-love triangle nina Paulo at Janine.
Bigatin naman ang cast na bubuo sa programa dahil mapapanood din dito ang veteran stars na sina Cherry Pie Picache, Vina Morales, Teresa Loyzaga, Lito Pimentel, Joko Diaz, Jett Pangan, at Edu Manzano.
Magbibigay-kulay naman sa serye ang bagong henerasyon ng mga aktor na sina EJ Jallorina, Iana Bernardez, Luis Vera Perez, at Fino Herrera, kasama sina Adrian Lindayag at Keann Johnson mula sa MMFF 2020 movie na “The Boy Foretold by the Stars,” at Angelica Lao ng The Squad Plus.
Ang “Marry Me, Marry You” ay pangungunahan ng batikang directors na sina Jojo Saguin at Dwein Ruedas Baltazar. Ito rin ang magsisilbing TV directorial debut ni Direk Dwein.
Malapit nang mapanood ang “Marry Me, Marry You” sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment.