Kasama ng mundo ang mga Pilipino sa pagtutok sa koronasyon ng bagong Miss Universe dahil ihahatid ito ng LIVE ng ABS-CBN sa telebisyon sa pamamagitan ng A2Z channel.
Panoorin ang pagrampa ni Miss Universe Philippines Rabiya Mateo sa “69th Miss Universe Competition” sa ika-17 ng Mayo, Lunes, simula 8 am sa A2Z at may replay ng 10 pm.
Gaganapin sa Seminole Hard Rock Hotel & Casino sa Hollywood, Florida, USA ang pageant naipalalabas rin sa Sunday’s Best sa Kapamilya Channel sa May 23 (Linggo), 9:45 pm. Mapapanood rin ng mga nasa Pilipinas ang replay na ito online sa iWantTFC.
Mapapanood din ito sa Metro Channel sa cable TV sa May 24 ng 12 nn at 10 pm, May 26 ng 5 pm, at May 29 ng 8:30 am.
Tubong Iloilo City si Rabiya, na patuloy na gumagawa ng ingay sa kaniyang magagandang photo shoot at kasalukuyan nang nasa Amerika para sa pre-pageant activities.
“Sa mga kababayan ko sa Pilipinas, nandito na ako ngayon sa Los Angeles. Pinapangako ko na gagawin ko lahat ng posibleng gawin para maiuwi ulit natin ang korona sa bayan,” sambit niya, ayon sa report ng ABS-CBN News.
Layunin ni Rabiya na magbigay saya at karangalan sa bansa sa kaniyang paglaban upang maging ika-limang Miss Universe mula sa Pilipinas pagkatapos nina Catriona Gray (2018), Pia Wurtzbach (2015), Margie Moran (1973), at Gloria Diaz (1969).
Magaganap ang live telecast ng Miss Universe sa Pilipinas sa pagpapatuloy ng pagtutulungan sa pagitan ng ABS-CBN, ang opisyal na partner para sa pagpapalabas ng pageant sa bansa, at IMG, na siyang nagmamay-ari sa Miss Universe brand.
Suportahan ang pambato ng Pilipinas at saksihan ang koronasyon ng bagong Miss Universe sa paghahatid ng ABS-CBN sa “69th Miss Universe Competition” LIVE mula sa Florida, USA sa A2Z sa ika-17 ng Mayo, 8 am. Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.