Hindi lang pala kagandahan ng tanawin sa Pilipinas at talento ng mga artistang Pinoy ang ibinibida sa seryeng “Almost Paradise” mula sa ABS-CBN at Electric Entertainment.
Tampok din dito ang husay ng mga Pilipinong direktor katulad ni Dan Villegas, ang premyado at kilalang direktor ng mga pelikulang “Changing Partners” at “English Only, Please” at mga teleserye tulad ng “On The Wings of Love” at “Sino Ang May Sala? Mea Culpa.”
Si Dan ang nag-direhe ng ika-apat na episode ng crime drama series na nagbibigay ng liwanag at ligaya sa mga Pilipino sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live, and iWantTFC. Aniya, tinanggap niya ang proyekto dahil tagahanga siya ng mga producer ng Electric Entertainment na kinabibilangan ng tanyag na Hollywood producer na si Dean Devlin.
Dagdag pa niya, pagkakataon din itong maipakita ang kakayahan niya sa mundo dahil bago pa umere rito, ipinalabas na rin sa Amerika noong 2020 ang kauna-unahang American TV series na dito kinuhan ng buo sa bansa.
Sa episode na pinamagatang “Pistol Whip,” magkahalong Pinoy at foreigner ang cast na dinirek ni Dan, sa pangunguna ng bida ng serye na si Christian Kane at mga Pilipino aktor na sina Nonie Buencamino, Art Acuna, Samantha Richelle, Ces Quesada, Annicka Dolonius, Ketchup Eusebio, Maritina Romulo, Bettina Magsaysay, Mariella Laurel, at Boom Labrusca.
Sa kuwento, may makikilalang artista ang dating secret agent na si Alex Walker (Christian) matapos mapaaway sa isang bar. Dahil desperadong kumita para may pambayad ng renta, tinanggap ni Alex ang alok ng aktor na mag-stunt man siya sa ginagawa niyang reality TV show. Sa pagsabak ng ating bida sa aktingan sa ilalim ng karagatan, mapapa-sisid rin siya sa ginagawang imbestigasyon ni Kai (Samantha) tungkol sa pagkawala ng isang vlogger habang nagsu-scuba diving.
Ayon kay Dan, na isa ring kilalang producer at cinematographer, “exciting” at “humbling” ang kaniyang karanasan sa programa kung saan marami rin siyang natutunan. “They were very professional and disciplined. I would love to collaborate with them again in the future,” sambit niya tungkol sa mga nakatrabahong banyaga.
Para naman sa mga kapwa niya Pinoy sa likod at harap ng kamera, tunay raw na “Filipino talent is global” sa kanilang ipinakita. Isa si Dan sa apat na Pilipino direktor ng “Almost Paradise” kasama sina Francis Dela Torre, Hannah Espia, at Irene Villamor. Panoorin ang kaniyang pinakabagong obra na “Pistol Whip,” na isinulat ni Calvin Sloan, ngayong Linggo (Abril 11) ng 8:45 pm sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live, at iWantTFC.
Mapapanood rin ng paulit-ulit ang pinakabagong episode ng libre sa loob ng pitong araw sa KOL. I-follow @AlmostParadiseTV at @AlmostParadisePH sa Facebook. Sundan din ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.