Sa pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng ‘Tunay na Buhay’, isang espesyal na showbiz icon ang tampok ng programa para sa mga manonood: ang “everybody’s favorite” na si “Bossing” Vic Sotto!
Sa nakalipas na apat na dekada, naging bahagi siya ng buhay ng maraming Pinoy bilang si Victorio Ungasis sa ‘Iskul Bukol’, Enteng Kabisote sa ‘Okay Ka, Fairy Ko’, Barak Otogan sa ‘Daddy’s Gurl,’ at siyempre bilang si Bossing sa longest-running noontime variety show na ‘Eat Bulaga.’
Sa kauna-unahang pagkakataon, makakapanayam ng “Tunay na Buhay” ang beteranong aktor at komedyante kung saan ibabahagi niya ang kaniyang mga personal na kuwento magmula sa kaniyang pagkabata, pagsisimula sa industriya ng showbiz, at mga prinsipyo bilang isang ama.
Makakasama rin sa kuwentuhan ang misis niyang si Pauleen Luna-Sotto, at ibabahagi nila ang ilang detalye tungkol sa kanilang relasyon, maging ang favorite bonding moments nila sa anak na si Tali.
Siyempre pa, hindi rin pahuhuli ang kaniyang mga “Dabarkads” sa pagre-reveal ng mga trivia tungkol sa kaniya! Anu-ano kaya ang ibubuking nila tungkol kay Bossing?
Samahan si Pia Arcangel na alamin lahat ng ‘yan sa special 10th anniversary episode ng “Tunay na Buhay” ngayong Miyerkules (February 24), 11:30 p.m. pagkatapos ng “Saksi” sa GMA Network.