Handa nang maghasik ng lagim at kaguluhan ang mga gaganap na kontrabida sa much-awaited live-action adaptation ng Japanese anime series na ‘Voltes V: Legacy’ ng GMA Network.
Napiling gumanap si Martin del Rosario bilang si Prince Zardoz, ang prinsipe ng Boazanians na siyang mangunguna sa pag-atake at pananakop sa mundo. Biggest break daw kung maituturing ni Martin ang role na ito, “’Yung puso ko talagang kumabog nang kumabog kasi alam ko kung gaano kalaki itong project na ito. Ang daming good roles na dumating sa akin, pero kino-consider ko itong si Prince Zardoz as my biggest break.”
Ang pinakatusong babae naman sa lahat ng Boazanians at nagmamahal kay Prince Zardoz na si Zandra ay gagampanan ni Liezel Lopez. Kuwento ng Kapuso actress, “Noong nag-audition po ako, hindi siya ‘yung usual na kontrabida na like strong. I focused on the love for Zardoz and I think maybe that is the reason why ako ‘yung napili.”
Gagampanan naman ng mahusay na aktor na si Epy Quizon ang kubang scientist at malupit na adviser ni Prince Zardoz na si Zuhl, “This is unique because this is from my childhood. Nilalaro ko ‘yung Voltes V so to be part of this show is really not just an honor but bumalik ‘yung pagkabata ko.”
Ang heneral na si Draco naman ay bibigyang-buhay ni Carlo Gonzales. Bilang paghahanda sa kanyang role, pinapahaba na rin ni Carlo ang kanyang balbas kagaya ng kanyang karakter. “Malaking tulong ‘yung quarantine dahil I don’t need to go out anymore, talagang bahay lang ako. I don’t need to groom it; I just need to grow it out.”
Abangan ang ilan pa sa makukulay na karakter na dapat abangan sa Voltes V: Legacy sa GMA-7.