Nagkaisa ang ABS-CBN at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Caritas Filipinas Foundation, Inc. (CBCP-CFFI) o Caritas Philippines sa paglulunsad ng isang online donation portal sa kanilang layunin na matugonan ang matinding kahirapan sa bansa.
Simula Ash Wednesday sa Pebrero 17, maaari nang magbigay ng donasyon ang mga dadalo sa Kapamilya Daily Mass na ipinalalabas sa TV at online sa iba’t ibang plataporma ng ABS-CBN. Mapupunta ang makakalap na pondo sa mga proyekto ng Building Networks of Compassion (BNC) Movement ng Caritas Philippines tulad ng pagbibigay ng pagkain, edukasyon, trabaho, at iba pa sa mga nangangailangan, at kanilang paghahatid ng tulong tuwing may kalamidad.
Maaaring ipadala ang donasyon sa pamamagitan ng bangko o kaya gamit ang GCash at PayMaya.
Ayon kay ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak, magkatulad ang Caritas Philippines at ABS-CBN na nakasentro sa serbisyo at may layuning magsilibi sa Pilipino kung kayat buo ang suporta ng kumpanya sa Alay Kapwa. Dagdag pa niya, mahalaga ang pagtutulungan ng iba’t ibang grupo upang mabigyang solusyon ang problema sa kahirapan at magkaroon ng pagbabago.
Nagpasalamat din ang Caritas Philippines sa suportang ibinibigay ng ABS-CBN sa mga adhikain ng Alay Kapwa, na ilang dekada nang naglilingkod sa mga lubos na nangangailangan sa lipunan. Ani CBCP-CFFI national director Most Rev. Jose Colin Bagaforo, D.D., maaasahan na sila ay mananatiling nakatuon sa paghahatid ng serbisyo sa Pilipino, lalo na sa mga dumaranas ng kahirapan. Dagdag ni Most Rev. Fr. Gerardo Alminaza, ang vice chairman ng CBCP-CFFI, mas marami na ang maabot nilang tao at makakapaghatid ng tulong sa pamamagitan ng ABS-CBN.
Kasama nila sa ginawang virtual ceremony para sa kasunduang ito sina ABS-CBN chairman Mark Lopez, CBCP-CFFI executive secretary Rev. Fr. Antonio Labiao Jr., ABS-CBN chief operating officer of broadcast Cory Vidanes, ABS-CBN chaplain at CBCP-CFFI BNC Movement coordinator Rev. Fr. Tito Caluag, at CBCP-CFFI board member Most Rev. Fr. Honesto Ongtioco.
Napapanood ang Kapamilya Daily Mass kasama si Fr. Tito Caluag ng LIVE mula Lunes hanggang Linggo ng 5:30 am sa Kapamilya Channel sa cable. Maaari rin itong panoorin online anumang oras sa iWantTFC, sa ABS-CBN Facebook at ABS-CBN Entertainment YouTube channel, at sa My Prayer Channel Facebook page at YouTube channel. Napapanood rin ang Kapamilya Daily Mass sa Jeepney TV, Metro Channel, at sa SKYcable channels 955 at 155.
Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.