Sa latest In The Limelight episode ng GMA Artist Center, ibinahagi ng Kapuso actress na si Ysabel Ortega na isa sa mga gusto niyang makatrabaho ay ang batikang aktres na si Cherie Gil. Hindi lang basta makatrabaho, dahil gusto rin niyang makatikim ng sampal mula rito.
Kuwento niya, “The reason to that is because she’s one of the most respected actors in whole showbiz industry and I would love to learn from her, I would love to work with her, and gusto ko ring makatanggap ng sampal from her. Milestone ‘yun para sa artista, ang masampal ni Ms. Cherie Gil.”
Bukod dito, nais din umano niyang mapasama sa isang action-packed series kung saan masusukat ang galing niya hindi lang sa pag-arte kundi pati na rin ang kanyang physical skills.
“Gusto ko ng action because I feel like an action role is something that is both mentally and physically challenging and I feel like it’s also a step out of my comfort zone kasi nakapag-rom-com na ‘ko, nakapagdrama na ‘ko, so gusto ko naman ng action,” paliwanag niya.
Mapapanood ang kabuuan ng In The Limelight episode ni Ysabel sa GMA Artist Center YouTube channel.