Maliwanag ang pasok ng 2021 para sa ABS-CBN matapos salubungin ng mga pagkilala sa larangan ng TV, radyo, at pelikula sa 5th GEMS-Hiyas ng Sining Awards.
Ginawad sa Kapamilya network ng GEMS o Guild of Educators, Mentors, and Students ang “Natatanging Hiyas ng Sining sa Telebisyon,” ang kanilang pinakamataas na parangal sa telebisyon, dahil sa dedikasyon nito sa kahusayan sa broadcast media.
Tinanghal namang Best TV Series ang “A Soldier’s Heart” na napanood sa ABS-CBN at sa Kapamilya Channel. Panalo rin para sa pagganap nila sa “Ang Sa Iyo ay Akin” sina Iza Calzado (Best Performance by an Actress – TV Series) at Maricel Soriano (Best Performance in a Supporting Role Male or Female – TV Series).
Samantala, kinilala naman ang “ASAP Natin ‘To” host na si Sarah Geronimo ng Best Female Variety Show Host award.
Umani rin ng pagkilala mula sa GEMS ang DZMM TeleRadyo na hinirang na Radio Station of the Year, habang “Pasada sa TeleRadyo” ang Best Radio Program (Opinion or Public Service) at si Peter Musngi naman ang Best Male Radio Broadcaster (Opinion or Public Service).
Matapos humakot ng parangal sa 2020 Metro Manila Film Festival, panalo rin ang “Fan Girl” ng Black Sheep, Globe Studios, Project 8, Epicmedia, at Crossword Productions ng Best Film (Indie or Mainstream) sa GEMS Awards at Best Film Director (Indie or Mainstream) naman ang direktor nitong si Antoinette Jadaone.
Inanunsyo ng GEMS ang mga nanalo sa kanilang Facebook page noong Enero 10. Hangarin ng grupo na bigyang pagkilala ang kahusayan sa panunulat, pagtatanghal, radyo, telebisyon, at pelikula. Binubuo ito ng mga opisyal at miyembro mula sa iba-ibang paaralan, kolehiyo, unibersidad, at pribadong institusyon sa bansa.
Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa www.abs-cbn.com/newsroom.