Ang pelikulang nagpakilig at tumatak noong ’90s na “Radio Romance” ay mapapanood sa KTX.ph, hatid ng Star Cinema at ABS-CBN Film Restoration, sa darating na Enero 14 (Huwebes), 7:30 PM.
Bumida sa nasabing pelikula ang mga tanyag na ’90s stars tulad nina Gelli de Belen, Sharmaine Arnaiz, John Estrada, Claudine Barretto, Robin Da Roza, Paolo Abrera, Rico Yan, Jolina Magdangal, at marami pang iba.
Sa panulat at direksyon ni Jose Javier Reyes (hango sa orihinal na kuwento ni Mia Concio), tampok ang kwento ni Veronica (Gelli) na librarian sa araw at palihim na disc jockey sa gabi sa programang Radio Romance. Matapos ang kanyang mapait na sinapit sa pag-ibig ay napagdesisyunan niyang magbigay payo at magpatugtog ng mga awitin para sa mga taga-pakinig niya sa radyo.
Habang sinosolusyonan ang mga problema sa pag-ibig ng iilan, nakatanggap naman si Veronica ng isang love letter mula sa isang misteryosong tagahanga na umamin ng kanyang pagmamahal at pagnanais na makita siya nang personal.
Pakikinggan kaya ni Veronica ang kanyang puso na magmahal muli, o mananaig ba ang kanyang kaba at hinanakit sa pag-ibig?
Maki- ‘Throwback Thursday’ kasama ang buong pamilya at barkada sa panonood ng digital premiere nito sa KTX.ph sa darating na Enero 14, 7:30 PM sa halagang P150 lang. Bumisita lamang sa https://bit.ly/RadioRomancePremiere.