Magsasama-sama ang mahigit 100 na Kapamilya at Kumunity stars at personalidad para magdala ng liwanag at ligaya at mangalap ng donasyon sa “Ikaw Ang Liwanag at Ligaya: The ABS-CBN Christmas Special Pre-Show” na “KUMUkutitap ang Pasko” sa FYE Channel sa Kumu ngayong Linggo (Disyembre 20) simula 12 nn hanggang 7:30 pm.
Sa loob ng mahigit 7 oras, magkakaroon ng mga laro, interviews at mga special appearance mula sa pinakamalalaking bituin ng ABS-CBN para maghatid ng masayang selebrasyon at magbigay-pasasalamat at pagmamahal sa mga Kapamilya sa buong mundo.
Simula 12 nn, mapapanood ang mga pagtatanghal ng “It’s Showtime” bidaman boys sa pangunguna ni Jin Macapagal, mga dating contender ng TNT kasama ang mga champion na sina Janine Berdin at Elaine Duran, TNT Boys, Hashtag Zeus Collins, at Sponge Cola. May hatid ding katatawanan sina Nonong Balinan, Jobert Austria, at Alex Calleja kasama ang iba pang mga komedyante.
Sa gitna ng mga performance na ‘yan, mapapanood din ang mga celebrity streamer sa FYE Channel mula sa Jeepney TV, ABS-CBN Books, at MYX gaya nina Kim Atienza, Tito Robert, Jhai Ho, at Ces Drilon pati na rin ang broadcast journalists mula sa ABS-CBN News na sina MJ Felipe, Ahwel Paz, Tina Marasigan, Gretchen Fullido at iba pa na magpaparating ng kani-kanilang mensahe at manghihimok sa mga manonood na mag-donate para sa fundraiding campaign ng Sagip Kapamilya na “Tulong-Tulong sa Pag-Ahon” para sa mga nasalanta ng bagyo.
Pangungunahan naman ni Robi Domingo ang isang “Game KNB?” segment kung saan maglalaro ang Star Hunt artists na sina Abi Kassem, Diana Mackey, Argel Saycon, Reign Parani, Gian Wang, at Missy Quiño.
Samantala, pagdating ng 5 pm, bibida naman ang “Pinoy Big Brother” sa pangunguna ng “Pinoy Big Brother: Connect” hosts na sina Toni Gonzaga, Bianca Gonzalez, Melai Cantiveros, Enchong Dee at Kim Chiu.
Kukumustahin din sa event ang mga dating PBB housemates gaya nina Sam Milby, Gerald Anderson, Zanjoe Marudo, James Reid, John Prats, Ejay Falcon, Beauty Gonzales, Loisa Andalio, Maris Racal, Ylona Garcia, Team LAYF, at marami pang iba tulad ng “Star Hunt Academy” artists.
Pagsapit ng 7 pm, magkakaroon na rin ng backstage access ang Kumunizens sa live coverage ng Christmas Special—na mapapanood simula 7:30 pm sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z channel 11, TFC, iWantTFC, at KTX.
Maaaring magdonate sa “Tulong-Tulong sa Pag-Ahon” ang mga manonood ng livestream sa pamamagitan ng pagbibigay ng Virtual Gifts at pagclick sa carousel.
Maging parte ng enggrandeng selebrasyon ng Pasko para sa magandang layunin at tumutok sa “Ikaw Ang Liwanag at Ligaya: The ABS-CBN Christmas Special Pre-Show” na “KUMUkutitap ang Pasko,” simula 12 nn hanggang 7:30 pm sa FYE Channel (@fyechannel) sa Kumu.