Hindi na kailangang maghintay ang mga masugid na manonood ng mga dula dahil ipapalabas na ang ilang obra ng Philippine Educational Theater Association (PETA) sa KTX.PH ngayong simula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 6.
Makalipas ang 10 taon, mapapanood na sa online ang hit musical na “Care Divas” na tungkol sa limang caregivers sa Israel.
Sariwain ang kwento nina Chelsea (Melvin Lee), Shai (Vincent De Jesus at Ron Alfonso), Thalia (Dudz Teraña at Jason Barcial), Kayla (Gio Gahol, Jerald Napoles, at Ricci Chan), at Jonee (Thou Reyes at Phil Noble) na nagtratrabaho bilang caregivers sa umaga at drag queens sa gabi.
Kasama rin ang Palanca-Award winning musical na “1896” na unang pinalabas noong Philippine centennial celebration noong 1998. Tampok sa musical sina Ariel Rivera bilang si Emilio Jacinto, Rody Vera bilang si Andres Bonifacio, Bodjie Pascua at Lionel Guico bilang si Emilio Aguinaldo, at Noel Cabangon bilang si Jose Rizal. Idinerehe naman ito ng isa sa pinakatanyag na direktor ng teatro na si Soxie Topacio, at sinulat naman ito ni Charley dela Paz at nilapatan ng musika naman mula kay Lucien Letaba.
Siliping muli ang “Si Juan Tamad, Ang Diyablo at ang Limang Milyong Boto,” na tungkol sa buhay ng first time voter na si Juan Tamad. Nang matalo ang kanyang kandidato, mawawalang gana ito sa kalagayan ng bansa, pero magiging aktibo itong muli matapos harapin ang ilang pagsubok. Hangarin ng palabas na idinerehe ni Phil Noble na maghatid ng aral tungkol sa eleksyon at tamang pamamalakad ng gobyerno.
Maari naman maka-relate ang KTXers sa musicals mula sa Peta Lab Set A at B. Ipapakita nito ang mga pinagdadaanan ng ordinaryong Pilipino ngayong panahon pandemiya.
Kwento naman tungkol sa kasaysayan at mga pinagdaanan ng PETA ang mapapanood sa dokyu na “Living Voices.” Sa naturang documentary, napagsama-sama nila ang ilan sa mga haligi ng theater company sa mga nagdaang taon.
Ilan sa mga naging matagumpay na KTX.PH offerings ay ang Jed Madela’s “New Normal,” JaMill’s “Tayo Hanggang Dulo,” K Brosas’ “20k20,” “Hello Stranger: Finale Fancon,” “Apollo: A Daniel Padilla Digital Experience,” “The House Arrest Of Us,” “U-Turn” at iba pang special exclusive events.
Abangan ang iba pang exciting experiences mula KTX.PH.